HINAMON ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang mga kabataan na labanan ang kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon at sports.
Iginiit ni Ramirez, isang educator at nagmula sa mahirap na pamilya sa Davao, na hindi kailanman sagabal at magiing hadlang sa katuparan ng pangarap ang kasalukuyang kinalalagyan pamumnuhay.
“Laban tayo. Labanan natin ang kahirapan, ang kawalan ng pag-asa at malasakit sa pamamagitan ng edukasyon at sports,” pahayag ni Ramirez sa mahigit 300 batang Tondo , gayundin sa kanilang mga magulang sa isinagawang Children’s Games for Peace nitong weekend sa Amado Hernandez Park, sa Juan Luna, St. sa harap ng pamosong Sto. Nino de Tondo Parish.
Kasama ni Ramirez na nagbigay ng inspirasyon si Commissioner Ramon Fernandez – kabilang sa PBA legend at isa sa matagumpay na individual na nagmula sa sektor ng sports.
“Kaya natin, basta magtiyaga at magsakripisyo tayo. Lahat ng pangarap natin ay magkakaroon ng katuparan kung kikilos tayo sa tamang pamamaran,” pahayag ng four-time PBA MVP at basketball internationalist.
Bahagi ang programa sa isinusulong ng pamahalaan na ‘Sports for All’, gayundin ang pagpapatuloy sa programa na kinilala ng United Nations.