Nasagip ng Makati City Police ang tatlong Chinese na ilegal na ikinulong sa isang kumpanya sa nasabing lungsod, iniulat ngayong Miyerkules.
Kinilala ang mga nasagip na sina Huang Shu Yi, 21; Hui Hui, 18; at Huang Junlong, 19, pawang tumutuloy sa isang hotel na matatagpuan sa Samanca Street, Barangay Poblacion, Makati City.
Dinala naman sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) sina Zhihung Huang, company CEO; at Xian Ong, office staff, upang isailalim sa interogasyon at imbestigasyon kaugnay ng insidente.
Sa ulat ni Col. Rogelio Simon, hepe ng pulisya, nasagip ang tatlong Chinese sa meeting room sa ika-pitong palapag ng isang mall na matatagpuan sa Theate Drive, Bgy. Carmona sa Makati City nitong Abril 30, dakong 12:00 ng hatinggabi.
Unang nakatanggap ng impormasyon si Col. Simon mula kay Consul Jia, ng Chinese Embassy, na may apat na Chinese na ilegal na nakadetine sa meeting room sa isang mall.
Umaksiyon ang SIDMS personnel, sa pangunguna ni C/M/Sgt. Rico Caramat at ng Police Community Precinct (PCP) 3, at nakipag-ugnayan sa pamunuan ng gusali, dakong 12:24 ng madaling araw kahapon.
Dito natagpuan ang tatlong Chinese, ngunit hindi natagpuan ang isa pang Chinese.
Naabutan naman sina Huang at Ong sa lugar kaya inimbitahan sila presinto.
-Bella Gamotea