Pinayuhan ng isang opisyal ng Comelec ang mga botante na huwag magbenta ng kanilang boto.
Ito ang binigyang-diin ni Comelec Spokesperson James Jimenez ngayong Martes, dalawang linggo bago ang eleksiyon sa bansa sa Mayo 13.
Sa kanyang social media account, sinabi ni Jimenez na dapat na gamitin ng mga botante ang kanilang konsensiya sa pagboto, at huwag tanggapin ang perang alok ng mga kandidatong bumibili sa kanilang boto.
“With respect to everyone giving different advice: Do *NOT* take the money. In all cases, vote according to your conscience. #VoterEd #NLE2019,” tweet ni Jimenez.
Ito ang iginiit ni Jimenez makaraang ihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Oscar Albayalde na maaaring tanggapin ng botante ang pera ng vote buyer, basta iboboto ang napupusuan at karapat-dapat sa puwesto.
Nilinaw naman ngayong Martes ng PNP na biro lang ang nasabing pahayag ni Albayalde.
Nauna rito, nakatanggap si Jimenez ng mga sumbong na ilang kandidato ang ngayon pa lang ay namimili na umano ng mga boto.
Hinikayat din ni Jimenez ang publiko, na may mga katulad na impormasyon, na kaagad mag-report sa mga lokal na tanggapan ng Comelec sa kanilang lugar, para sa kaukulang aksiyon.
-Mary Ann Santiago