Hinuli ng pulisya ang isang umano’y miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASGF) na nagtatrabaho bilang security guard sa isang shopping mall sa Alabang, Muntinlupa City, kamakailan.

ABU SAYYAF

Ang suspek ay kinilala ni PNP Spokesperson Col. Bernard Banac, na si Aldemar Saiyari, nasa hustong gulang, ng Soldiers Village, Putatan, Muntinlupa City.

Naka-duty pa si Saiyari nang damputin ng mga tauhan ng PNP-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) at District Intelligence Division (DID) ng Southern Police District (SPD) sa Filinvest 3, Alabang Town Center, nitong Miyerkules, dakong 6:00 ng gabi.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Isinagawa aniya ang pag-aresto batay na rin sa warrant of arrest na ipinalabas ng Pasig Regional Trial Court, Branch 162 sa kasong kidnapping at serious illegal detention.

"In April 2000, members of Abu Sayyaf terrorist group seized 21 tourists from the dive resort island off Sipadan, Malaysia and brought them to Sulu where they were held hostage. Aldemar Saiyari is one of those suspects identified as involved in the kidnapping and hostage taking," ayon kay Banac.

Nagtatrabaho aniya si Saiyari bilang private security guard sa mall gamit ang pekeng identification card.

Nadiskubre ng mga awtoridad na iligal ding nag-o-perate ang security agency nito na Blue Panthers, mula pa noong 2014.

Matagal na rin aniyang naglabas ng kautusan ang PNP-Civil Security Group sa agency na itigil ang kanilang operasyon dahil sa pagkabigo nilang mai-renew ang kanilang expired license.

-Martin A. Sadongdong