TOTOO na ang pag-veto ni Pangulong Duterte sa P95-billion infrastructure funds ay tagumpay ng mga mamamayan na laging umaasa na ang ibinabayad nilang buwis ay dapat lamang ilaan sa makabuluhan at makatarungang mga proyekto. Ang naturang pondo na mistulang ibinasura ng Pangulo ay bahagi ng P3.757-trillion General Appropriation Act (GAA) para sa taong kasalukuyan.
Totoo rin kaya na ang paggamit ng Pangulo ng kanyang veto power ay kabiguan naman ng mga mambabatas na sinasabing pasimuno sa pagsingit sa GAA ng nabanggit na kontobersiyal na pondo? Ang masalimuot na isyung ito ang naging dahilan ng matinding bangayan ng mga Senador at Kongresista na humantong sa pagkabalam ng paglagda ng Pangulo sa GAA.
Sa pagpapatibay ng pambansang budget, naniniwala ako na hindi alintana ng Pangulo na ang kanyang pag-veto sa P95-billion projects at sa iba pang controversial items ay posibleng makaaapekto sa kanyang trust ratings; at lalong hindi niya alintana ang pagkakawatak-watak ng majority party na laging nakaagapay sa pagbalangkas ng makatuturang mga patakaran hinggil sa isinusulong niyang mga pagbabago, tulad ng pederalismo.
Ang naturang P95-bilyon proyekto na itinuturing na pork barrel funds ang inaasahan ng mga mambabatas sa pagsusulong naman ng mahahalagang programa na magpapalakas sa kanilang puwersa sa kani-kanilang distrito. Totoo kaya na ang nasabing mga proyekto ang pinagkakakitaan ng ilang mambabatas? At totoo rin kaya ang mga sapantaha na nakaabang na ang ilang kontratista sa mga proyekto na inihanay ng ilang mambabatas? Na ang ilan ay tumanggap na ng paunang padulas, wika nga? Natitiyak ko na higit na nakararaming mga mambabatas ang hindi kumagat sa ganitong mga alingasngas.
Sa kabila ng gayong mga alegasyon, walang pag-aatubili na ginamit ng Pangulo ang tindi ng kanyang veto power. Pinahalagahan niya ang kapakanan ng sambayanan na naniniwala sa tatag ng kanyang determinasyong lipulin ang mga katiwalian at kriminalidad.
Higit sa lahat, ipinamalas ng Pangulo ang kanyang paggalang sa ating Konstitusyon. Lagi niyang ipinahihiwatig na hindi niya lalagdaan ang GAA kung ito ay may mga nakapagdududang probisyon, tulad nga ng sinasabing ‘rider items’. Totoo na ang anumang programa na hindi nasasakop ng GAA ay itinuturing na labag sa Konstitusyon. Ang naturang isyu, sa aking pagkakaalam ay matagal nang nilinaw ng Korte Suprema—isang desisyon na natitiyak kong pinagbatayan ng Pangulo sa kanyang paglagda sa pambansang budget.
Sa kabuuan, ang tindi ng veto power ng Pangulo ay nagpalupaypay sa adhikain ng mga mambabatas na makisawsaw sa kontrobersyal na P95-B na umano’y anino ng pork barrel.
-Celo Lagmay