NAGKATAON na kapwa nahaharap ngayon sina US President Donald Trump at ang ating Pangulong Duterte sa usapin tungkol sa umano’y kuwestiyonable nilang yaman.
Hindi kailanman isinapubliko ni President Trump ang kanyang binabayarang buwis gayung paulit-ulit niya itong ipinangako habang nangangampanya siya noong 2016. Isinasapubliko ng mga dating presidente ng Amerika ang kanilang pagbubuwis, pero piniling balewalain ni Trump ang tradisyong ito. Noong nakaraang linggo, lumiham si Rep. Richard Neal (Democrat, Maine), chairman ng House Committee on Ways and Means, sa Internal Revenue Service at inusisa ang tungkol sa binabayarang buwis ni Trump, kasama na ang walong kumpanyang iniuugnay dito.
Sinabi nitong Linggo ni White House Chief of Staff Dick Mulvaney na hindi makikita ng mga Democrats ang income tax returns ni Trump. Gayunman, naniniwala ang mga eksperto sa batas na bagamat may umiiral na tax confidentiality, may batas din na nag-uutos sa Kongreso na hingin sa IRS ang detalye ng pagbubuwis ng presidente. Inaasahang aabot sa Korte Suprema ang labanang legal na ito.
Wala namang legal na anggulo sa kaso ng income tax return ni Pangulong Duterte, na kasama ng sa mga anak niyang sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at dating Vice Mayor Paolo Duterte, ay naging paksa ng serye ng mga artikulo ng Philippine Center for Investigative Journalism. Ang kita ng mag-aama, ayon sa PCIJ, ay malaki ang itinaas simula nang mahalal sila sa puwesto.
“What we earned outside in none of your business,” anang Pangulo. “Our law firms and what happened to our business partnership—it isn’t your goddamn business.” Sinabi rin niyang pinamanahan din siya ng kanyang yumaong ina.
Mayroong batas, ang RA 6713, na nag-oobliga sa lahat ng kawani ng pamahalaan na magsumite ng Statement of Assets, Liabilities, and Networth (SALN), pero hindi maaasahang may maghahain ng kaso laban sa Pangulo dahil dito.
Dalawang presidente ang inuusisa tungkol sa kanilang income tax reports, pero may malaki silang pagkakaiba. Tumanggi si President Trump na isapubliko ang buwis na binabayaran niya, habang bukas naman si Pangulong Duterte tungkol sa kanyang mga kinikita, bagamat sinabi niyang hindi na ito dapat na pinakikialaman pa ng PCIJ.
Inaasahan natin ang isang matagalang labanang legal sa mga korte sa Amerika kaugnay ng tax returns ni Trump. Hindi naman hahantong sa ganito ang sariling isyu natin dito sa Pilipinas; maaaring samantalahin ng mga kandidato ng oposisyon ang usapin kaugnay ng pangangampanya nila para sa eleksiyon sa susunod na buwan, pero mas marami ang posibleng timbang-timbangin ang sarili nilang opinyon sa isyu hanggang sa makapagpasya sila kung alin ang kanilang paniniwalaan, at saka gagawin ang nararapat ayon sa kanilang sariling desisyon.