NATUTUWANG ibinalita sa amin ni Sylvia Sanchez, isang linggo bago siya magre-renew ng kanyang Beautederm endorsement, na muli siyang inalok ng Presidente at CEO ng kumpanya na si Ms Rei Tan. Inakala niya kasing hanggang dalawang taon lang siya bilang endorser, dahil pawang mas bata na sa kanya ang mga bagong mukha ng nasabing beauty products.

sylvia

Nadagdag na kasi sina Carlo Aquino, Matt Evans, at iba pang aktres na taga-GMA 7 sa mga endorsers, kaya naman natutuwa ang bida ng Jesusa na nagle-level up ang nasabing kumpanya.

Ilang beses kasing binabanggit sa amin ni Ibyang na okay sa kanya kung may mga bagong mukha ang Beautederm, na mas malaki at sikat na artista, dahil ibig sabihin ay nag-level up na at ito rin naman ang gusto niyang mangyari na mag-number one ang produkto ni Ms Rei.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Kaya naman sa ginanap na contract signing nina Sylvia at Ms Rei ay ang ganda lagi ng ngiti ng aktres.

“Happy at kuntento ako sa BeauteDerm. At ipinagmamalaki ko ang BeauteDerm kasi talagang ginagamit ko ang mga produkto nila especially ang day cream at night cream, pati ang BeauteDerm soap. ‘Yun lang ang ginagamit ko sa aking mukha and makikita niyo naman ang resulta. Kaya kahit 47 na ako, nakakatuwa kapag may nagsasabi na mukha akong bata kaysa sa edad ko, blooming at fresh pa raw.

“And masasabi ko na natulungan ako ng BeauteDerm at natulungan ko rin sila. Iyon ang mahalaga eh, nagkakatulungan kami. Kaya thank you sa BeauteDerm, kay Rei-Rei, kay Sam, at sa family nila kasi pamilya na rin ang turingan namin.”

Saksi rin kami na totoong ginagamit nga ng aktres ang mga produkto dahil biniro pa nga namin siya na tanghaling tapat na ay ‘yung mga night cream pa rin ang gamit niya, hindi ba dapat day cream na?

“’Pag dito lang ako sa bahay, hindi ko muna tinatanggal para mas matagal ang effect. ‘Pag lalabas ako saka ako naglalagay ng day cream.”

Hmm, ganu’n pala ang sikreto ng aktres kaya pala walang blemishes ang mukha niya kahit 48 years old na siya sa Mayo.

Bakit nga ba ni-renew ni Ms Rei si Sylvia ng panibagong isang taon.

“She made the family bigger, kaya I’m very grateful. From 20 branches two years ago noong una namin siyang ini-launch as Face of BeauteDerm, now we have 60 branches all over the Philippines plus one in Singapore. And we are growing because of Ate Sylvia.

“Siyempre as a businesswoman kaya ka naman nagre-renew ng kontrata ng isang endorser ay makikita mo rin siyempre ‘yung performance niya. Ang endorser kasi ng isang brand ay para makilala at iyon ang na-appreciate ko kay Ate Sylvia, hindi lang iyong nandu’n sa kontrata niya ang ginagawa niya. She’s a very effective endorser.

Hindi lang ang pagiging artista ang dahilan kaya kinuha ring endorser si Sylvia kundi ang pagiging ideal wife and mother niya, dahil kahit na abala sa showbiz career ay tutok pa rin siya sa pamilya niya.

“Isang malaking inspirasyon si Sylvia sa napakaraming babae who are wearing so many caps in their lives—mga babaeng may karera na mga asawa at ina rin, katulad ko. Sylvia represents so many working mothers who are balancing both career and family,” say ni Ms Rei.

Hindi lang endorser si Ibyang, dahil nagtayo na rin sila ng Skin & Beyond by Beautederm sa Butuan City, kasama ang mga kaibigan at anak na si Ria Atayde.

Samantala, palabas na ang Jesusa, na entry sa 5th Sinag Maynila simula nitong Abril 4. Nagkaroon ng gala night sa Gateway Mall kagabi, Abril 6, na dinaluhan ng lahat ng kasama sa pelikula at ngayong gabi naman ang awards night sa Conrad Hotel, Pasay City.

-REGGEE BONOAN