Pinaalalahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na huwag magpaloko sa mga pulitiko o kandidato na  ipinagmamalaki ang kanilang infrastructures projects para makakuha ng mga boto dahil hindi naman nanggaling ang mga ito sa kanilang sariling mga bulsa.

(RENE LUMAWAG/PRESIDENTIAL PHOTO)

(RENE LUMAWAG/PRESIDENTIAL PHOTO)

Ito ang idiniin ni Duterte kasabay ng panliligaw ng mga lokal na kandidato sa mga botante para sila ay iboto sa halalan sa Mayo.

Sa proclamation rally ng PDP-Laban sa Malabon City, ipinaliwanag ni Duterte na walang anumang utang ang publiko sa mga pulitiko dahil ang kanilang mga suweldo ay nagmula sa pera ng taxpayers.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

"Remember, they do not function na gastos nila. Wala akong nakita na pulitiko na gumastos ng sariling pera para ibigay sa tao. Inyo ‘yan. Galing sa bulsa ninyo ‘yan," aniya nitong Martes ng gabi.

"Wala kayong utang na loob sa mga politiko. Lahat ‘yan pati suweldo nila, pera ninyo. Kaya huwag kayong magsabi na ito si mayor ano, mag -- galante," dagdag niya.

Sinabi ni Duterte na kahit ang informal settlers o ang mga walang trabaho ay nagbabayad ng buwis sa tuwing sila ay mayroong binibili.

"'Pag ika'y namili ng pagkain sa palengke at ikaw ‘yung magbili ng mga school supplies, 'yang pera na 'yan po may buwis 'yan at 'yan ay pupunta sa gobyerno," aniya.

"Maski na sabihin mo hindi kami nagbabayad ng buwis kasi informal settlers lang kami, squatter, wala kaming ibinabayad. Well, ‘yan ang akala mo. Pero ‘pag sumakay ka, ang gasolina may patong na buwis ‘yan," dugtong niya.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS