Inatasan ng Supreme Court ang Office of the Solicitor General na isumite ang lahat ng police reports sa pagpapatupad ng “Oplan Tokhang” sa mga human rights group at sa mga biktimang kumukuwestiyon sa legalidad ng nasabing war on drugs ng administrasyon.

TOKHANG

Pebrero nang hilingin ng Center for International Law (CenterLaw) sa kataas-taasang hukuman na atasan ang OSG, sa pamamagitan ni Solicitor General Jose Calida, na ibigay ang kopya ng mga nasabing dokumento tungkol sa kampanya ng gobyerno kontra droga.

Kasama rin sa bibigyan ng kopya ng mga Oplan Tokhang reports ang Free Legal Assistance Group (FLAG).

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

Taong 2017 pa inihain ng CenterLaw ang petisyon, kasabay ng paglalabas ng SC ng Writ of Amparo para protektahan ang mga residente ng 26 na barangay sa San Andres Bukid sa Maynila laban sa war on drugs.

Inihayag sa tatlong-araw na oral argument na kinakailangang isumite ni Calida sa loob ng 60 araw ang pangalan, tirahan at kasarian ng mga nasawi; lugar, petsa at oras ng anti-drug operation; pangalan ng PNP team leader at team members na nagkasa ng operasyon; post operation report; search o arrest warrant kung mayroon; pangalan ng kinatawan ng media, NGO, at opisyal ng barangay na kasama sa operasyon.

Para naman sa mga “death under investigation” na kaso, dapat isumite ng OSG ang pangalan, tirahan at kasarian ng mga nasawi; lugar, petsa at oras ng pagpatay; team leader at mga miyembron ng Scene of the Crime Operations (SOCO) na nagsiyasatn sa crime scene; investigation reports; at inihaing kaso laban sa mga suspek kung mayroon.

Hinihingan din ng SC ang mga government lawyer ng kanilang record sa lahat ng buy-bust operation na isinagawa sa San Andres Bukid.

Sinabi naman ni Calida na nananatiling confidential ang mga nasabing dokumento, na maaari namang ibigay sa SC kung hindi ito ipagkakaloob sa ibang partido.

-Beth Camia