Isang police officer mula sa Northern Police District (NPD) ang inaresto sa umano’y pangongotong ng "parking fees" sa mga drayber ng truck sa Tondo, Maynila, ngayong Martes.
Kinilala ang suspek na si Patrolman Arnel Pastrana Agustin, 35, taga-Tondo, at nakatalaga sa NPD Traffic Enforcement Unit.
Dinampot si Agustin sa Road 10 nang dumating ang Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) sa lugar para sa clearing operation, bandang 7:00 ng umaga.
Ayon kay Police Corporal Jed Magat, sinabi sa kanila ni Rico Aleon, isa sa mga driver sa Manila North Harbor, na nagtungo na roon ang kanilang kasamahan upang mangolekta ng protection money upang payagan silang manatali sa lugar.
Nagalit umano ang suspek nang bigyan siya ng P50, sinabing ang naturang halaga ay hindi na "in" ngayon, ngunit kalaunan ay tinanggap din.
Sa 'di inaasahang pagkakataon, nakasalubong ni Magat at ng kanyang kasama, si Police Corporal John Patrick Caranguian, si Agustin na nakasuot ng uniporme.
Tinanong umano nila ito kung bakit siya naroon, sinabi umano ni Agustin na umihi lang siya at mabilis na umalis.
Makalipas ang ilang sandali, nakorner siya ng mga pulis at inaresto.
Narekober din ang isang 'di rehistradong .45 caliber na may walong bala at isang kutsilyo.
Napag-alaman na ang suspek ay inirereklamo sa pangingikil sa Manila Police District (MPD).
Ayon kay on-case investigator Police Staff Sergeant Kaiser Mijares, ng MPD General Assignment and Investigation Section (GAIS), ang suspek ay una nang sinibak sa serbisyo, ngunit nakabalik noong 2013.
Ipinakikilala niya ang kanyang sarili bilang miyembro ng Manila’s Finest simula nang simulan niya ang ilegal na aktibidad halos tatlong taon na ang nakalilipas.
Naka-duty din siya nang isagawa ang pinakabagong insidente, dagdag ni Mijares.
"[We will charge him with] usurpation of authority, robbery extortion, and illegal possession of firearms in relation to Omnibus Election Code… We will also refer him for administrative cases," ayon kay Mijares.
-Ria Fernandez