FOLLOW-UP ito sa sinulat namin tungkol kina Aiko Melendez at Subic, Zambales Mayor Jay Khonghun kahapon dito sa Balita na pagkatapos ng eleksiyon at kapag maayos nang lahat ay ang pagpapakasal naman daw ang aasikasuhin nila.
Pero ipinagdiinan ni Aiko na hindi pa nagpo-propose sa kanya ang pulitikong boyfriend na inakala ng lahat dahil sa ipinost niyang mala-prenup pictorial nila.
“Hindi ‘yun! Mayroon kaming calendar na ipapamigay sa buong Zambales. So, we wanted that feel na parang ipakita namin ‘yung ganda ng Zambales. So, nag-assume ‘yung tao na parang pre-nup siya. I’m not engaged yet. I don’t have a ring. I don’t have a proposal yet or something, not na nagpaparinig ako. Pero hindi. Wala po! Wala pa po!”
Kaagad namang sumagot si Mayor Jay sa sinabi ni Aiko.
“Siyempre, oo naman. Walang kagatul-gatol kong sasagutin na oo naman. Aiko is a very good person. At napakasuwerte ang kahit sinong lalaking makakakita ng katulad niya.
“Hopefully siguro, bigyan n’yo kami hanggang next year. We will settle everything. Aayusin namin lahat ng dapat ayusin. I can’t wait, hindi na rin ako makapag-antay kasi siyempre iyon naman ang gusto mo, makasama sa buhay ang taong pinakamamahal mo,” pagsisiguro ng boyfriend ni Aiko.
Heaven sent si Mayor Jay sa aktres dahil ipinanalangin daw niya na sana ay bigyan siya ng makakasama sa buhay.
“Sabi ko lang kay Lord na sana bigyan Niya ako ng taong makakasama ko at maiintindihan ako. So siya (Jay) na nga,” kuwento nito.
Sa nasabing thanksgiving party ay hiningan ng komento ang mga bisita kung anong masasabi nila sa magsing-irog at halos iisa ang kanilang sinabi, “congratulations”.
Malaman ang sinabi ng bunsong anak ni Aiko na si Marthena Jickain para kay Mayor Jay.
“Thank you, tito, for making may mom happy,” aniya.
Kaya palakpakan ang lahat dahil sa murang edad na 12 ni Marthena ay alam at naiintindihan niya ang lahat ng nangyayari.
Sabi nga ng future dad nila, “They’re very nice kids (Andrei Yllana at Marthena), they’re very supportive. Nakakatuwa kasi suportado nila ‘yung mommy nila at saka ako, and nakakatuwa kasi at this early age naiintindihan nila ‘yung mga issues. They’re aware kung anong nangyayari kaya I’m very thankful na talagang naiintindihan nila.”
At siyempre, pumalakpak ang tenga ni Aiko sa mga papuring narinig sa anak dahil ibig sabihin ay maganda ang pagpapalaki niya sa kanila at katuwang niya ang inang si Mommy Elsie Blardony.
Samantala, dahil abala sa paglilibot sina Mayor Jay at Aiko ay hindi raw masyadong nagkaka-bonding ngayon ng kids ang mga magulang nila.
“Ngayon lang hindi nakakapag-bonding kasi nga most of the time nasa Zambales kami pero ‘pag nandito (Manila) kami, nagkukuwentuhan kami, lumalabas kami, lalo na kay Andrei kasi almost magkasing-age kaming dalawa,” paliwanag ng ama ng lalawigan ng Zambales.
Nabanggit naman ng ina nina Andrei at Marthena na inupuan niya ang mga anak kung bakit kinailangan niyang manatili ng anim na araw sa Zambales at tuwing Linggo naman ang family day nila.
“Inupuan ko talaga sila at ipinaliwanag ko na Andrei, Marthena, Tito Jay needs me and I have to explain everything ha, even the issue kasi I don’t want them to come and questioning me na, ‘mom what’s this thing I heard?’. Kasi alam n’yo naman ang mga bata, sa school kasi may mga gadgets.
“At least first hand story na this is the issue of Tito Jay and what happened. In-explain ko talaga sa kanila at sabi nga, ‘go ahead mom, support Tito Jay and after that, we all have family time’. I’m blessed with good kids, you know,” pahayag ng aktres.
Habang wala si Aiko ay nasa pangangalaga sila ng Lola Elsie nila at ng kapatid ni Aiko.
-REGGEE BONOAN