INAMIN ni Keempee de Leon, na hanggang ngayon ay may tampo pa rin siya sa Eat Bulaga! matapos siyang tanggalin dito nang walang malinaw na dahilan.

Kempee copy

Nagtagal si Keempee sa longest-running noontime show, kung saan ang ama niyang si Joey de Leon ay isa sa original at main hosts, sa loob ng 14 na taon.

“Nagkaroon ako ng tampo, yes,” umpisa niya.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Hindi mawawala ‘yun dahil 14 years is 14 years.

“’Yun lang ang inaano ko, parang wala akong sagot na nakuha or memo or anything.”

Aniya, nakakapagtampo kung bakit siya iniligwak na walang paliwanag man lang.

“Andu’n ‘yun (tampo), pero siyempre, ako naman, hindi naman nagla-last ‘yun. Kumbaga, hinayaan ko na lang sa Diyos. Siyempre, kumbaga, malaki rin ang utang na loob ko sa kanila. And andu’n din Daddy ko, and naging part din ako sa kanila, 14 years. So, thankful ako du’n. Kinalakihan ko rin ‘yun kasi,” himutok ni Keempee sa presscon ng upcoming ABS-CBN daytime series na Nang Ngumiti Ang Langit, na ginanap nitong March 19, Martes.

Hanggang ngayon ay wala pa rin daw ideya si Keempee kung bakit tinanggal siya sa Eat Bulaga!

“Kung tutuusin, until now, hindi ko alam kung ano ang reason. Kasi ang alam ko, three years ago na ang nakararaan, may ginawa akong soap na bago, ang Meant To Be. And then, ipinaalam ko naman, sabi ko may gagawin akong soap,” lahad ni Keempee.

Nagsabi raw si Keempee sa kanyang manager, ang lady boss ng TAPE, Inc. na si Malou Choa-Fagar.

“Pinayagan naman ako, and sabi naman ng Bulaga nu’n, kahit si Pauleen [Luna] may ginagawang soap nun, ‘Basta as long as ma-pack up ka nang maaga, let’s say morning lang, ‘pag kaya pang dumiretso sa Bulaga, dumiretso ka. Or ‘pag di ka makakapasok, magsabi ka.’

“So, ‘yun ang ginagawa ko.”

Binilinan din daw si Keempee na pagkatapos ng kanyang teleserye, mag-report siya at puwede na siyang bumalik.

“Ganu’n ang ginawa ko, several times na nagti-text ako. And sabi lang nila, ‘Sabihin sa meeting, papaalam sa meeting’. Pero hanggang sa tumagal ay hindi na raw siya binalikan. Hanggang sa tumagal na ng almost a year. So, wala na talaga akong nakuhang sagot. And then, to be honest, si Tita Malou lang ang tinext ko nu’n. Sabi ko, ‘Ano ba ang status, makakabalik pa ba ako sa Bulaga o hindi na?’ Ang sabi lang niya, ‘As per the management, hindi na.’”

Pagpapatuloy ni Keempee, “Ang hinihintay ko, ang kasunod, ano ‘yung reason. So, wala, wala akong nakuhang sagot. And until dumating na rin sa point na sumulat na ko kay Mr. T, e,” pagtukoy niya kay Mr. Antonio Tuviera, owner ng TAPE, Inc., na siyang producer ng Eat Bulaga!

“Hindi ko lang alam kung nabasa niya or anything o nakarating sa kanya.

“Wala, wala akong nakuhang sagot at all.”

Ipinaabot din daw ni Keempee sa ama ang concern niya kung bakit hindi siya nakabalik sa Eat Bulaga!, pero wala rin daw ibinigay na sagot ang ama.

“Sinabi ko rin naman sa kanya. Parang wala lang. Lahat nanahimik e. I’m not blaming them or anything.”

Dugtong niya pa tungkol sa pananahimik ng ama, “Hindi ko alam. Kahit ako nagtataka rin. Pero hindi ko rin naman siya sisisihin. Siyempre, barkada rin niya ang boss namin du’n. Kumbaga, sabi ko, ‘I have to make my own decisions.’”

Ang pagbabalewala sa kanya ng dating pinagtrabahuhan ang siyang nag-udyok para tahakin niya ang bakuran ng ABS-CBN at maging bahagi ng upcoming daytime teleserye na Nang Ngumiti Ang Langit.

Alala niya, dahil wala siyang project ay nag-post siya sa social media na kailangan niyang mag-work. Nabasa ni Eric John Salut (ABS-CBN P.R) ang post niya at sinabi nitong gagawan daw niya ng paraan. ‘Yun agad-agad siyang sinabihan na isasama siya sa isang project, at ito ngang Nang Ngumiti ang Langit ‘yun.

Ito ang pagbabalik ni Keempee sa Kapamilya network pagkatapos ng 16 na taon.

“Before, nag-Klasmeyts na ako. That was 2002 to 2003,” aniya. “Pero before that, nagkaroon ako ng show dito, ‘yung Mana-Mana under Mr. M,” na ang tinutukoy ay si Johnny Manahan, ABS-CBN director at founder ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.

Early ‘90s daw ang show na iyon, kung saan kasama rin sina Ogie Alcasid, Gelli de Belen, at Carmina Villarroel.

Bago raw kasi siya nagdesisyong lumipat sa ABS-CBN, matagal siyang walang trabaho.

“Siguro one year and a half din. Almost two years. Pero hindi tayo puwedeng magmukmok ng ganu’n lang, so I have to do something. I have to move on. I have to do my own decisions na kailangan kong magtrabaho,” saad niya.

Ang pinakahuling proyekto raw niya ay ang Meant To Be, ang 2017 Kapuso teleserye na pinagbidahan nina Barbie Forteza, Ken Chan, at Jak Roberto.

“Wala, walang ano [offer], e.

“Ako naman, walang tinatanggihang work, e. Wala talagang offer.”

Itinuon daw ni Keempee ang oras sa kanyang restaurant business.

Magbabalik pa ba siya sa Eat Bulaga! kung sakaling may offer?

“Right now, hindi ko masasabi,” malungkot na pahayag ni Keempee.

-Ador V. Saluta