INAMIN ng actress-singer na si Rita Daniela na ilang taon na rin naman siya sa show business pero ngayon lang talaga siya sumikat at nagkaroon ng mga fans—dahil sa pagganap niya bilang Aubrey sa My Special Tatay.

Rita

Taong 2008 nang sumali siya sa Popstar Kids, gamit ang real name niyang Rita Iringan, at nanalo siyang grand winner. Kapwa niya contestant noon si Julie Anne San Jose.

Pagkatapos na mag-guest si Rita sa ilang shows ng GMA Network, nag-decide si Rita na huminto muna para makapagtapos muna siya ng studies niya.

Tsika at Intriga

Gretchen kumain ng 'piattos' habang pinanonood si PBBM: 'The New Teleserye'

Sa pagbabalik niya muli sa GMA, nag-guest siya sa mga shows ng network, until in-offer sa kanya ang role ni Aubrey sa My Special Tatay, na pinagbibidahan ni Ken Chan bilang si Boyet, isang may mild intellectual disability na kalaunan ay naging ama.

Pero alam n’yo bang tinanggihan ni Rita ang role ni Aubrey nang una itong ialok sa kanya?

“Noong una pong i-offer sa akin ang role ni Aubrey tumanggi ako kasi si Aubrey, isang pokpok, mabubuntis, magkakaanak at masama siyang babae,” kuwento ni Rita.

“Pero nang i-explain nila kung ano talaga ang magiging role ni Aubrey, napaiyak pa ako nang tanggapin ko. Kasi later, ako pala ang magiging bida.

“Sa ilang taon ko na po sa GMA, first time akong naging leading lady sa series. At habang tumatagal, minamahal ang character ko ng mga televiewers,” kuwento ni Rita.

“Nakakaiyak din na ngayon lang ako nagkaroon talaga ng mga fans. Overwhelmed ako sa mga ipinapakita nila sa akin kapag dumadalaw sila sa set namin ng My Special Tatay. Nakakatuwa na madalas silang magdala ng pagkain sa set, hindi lamang para sa akin kundi sa aming lahat.

“Alam ba ninyong itong cell phone kong gamit ngayon, bigay nila? First time ko ring nagkaroon ng iPad, bigay din nila. Then branded shoes, handbags, at ang naka-shock sa akin, binigyan nila ako ng personalized microphone, may sarili na akong mic na gamit kapag nagge-guest ako sa mga shows na kakanta ako. Isang Sennheiser mic, color silver, at hindi ko alam na ganoon kamahal pala iyon.’”

Kaya labis-labis daw ang pasasalamat ni Rita sa teleserye nila ni Ken, pero medyo malungkot lang siya ngayon na papatapos na ang My Special Tatay.

“Pero sana po ay manood din sila ng concert namin ni Ken, ang My Special Love #BoBreyinConcert sa May 11, 2019, sa Music Museum,” sabi ni Rita.

“Produced po ito ng Star Media Entertainment at GMA Music. Kita-kita po tayo, para sa inyo ito, bilang pasasalamat sa pagtangkilik ninyo sa amin at sa My Special Tatay.”

-NORA V. CALDERON