KUNG hindi pa nagbanta si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na pananagutin niya ang mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System at Manila Water kapag hindi nakapagbigay ng sapat na supply ng tubig sa mga residente ng Metro Manila, hindi pa marahil magkakaroon ng tubig ang may 80 porsyentong kabahayan sa Metro Manila.
Sinabi ng Manila Water noong Linggo na ang water situation sa Metro Manila ay bubuti na sa susunod na mga linggo kasabay ang pahayag na noong Biyernes, ay naibalik na ang supply ng tubig sa may 80% ng customers nito. Marami ang nagtatanong kung bakit ang Maynilad ay nakapagsusupply nang sapat na tubig sa customers nito pero ang Manila Water ay hindi. Bakit nga ba?
Hindi puwedeng tawaging isang misogynist si PRRD dahil maraming babae ang hinihirang niya sa matataas na puwesto sa gobyerno. Ang pinakahuli ay ang paghirang niya sa kauna-unahang babaeng Brigade Commander sa Philippine Army. Siya ay si Army Col. Joselyn Bandarlipe. Tamang-tama ang kanyang pagkakahirang kaugnay ng pagdiriwang ng Women’s Month.
Sinabi ni Lt. Col. Ramon Zagala, Army spokesman at Public Affairs chief, inaprubahan ng Pangulo ang designasyon kay Bandarlipe bilang commander ng 53rd Engineering Brigade sa Lapu-Lapu City, Cebu. “Siya ang aming kauna-unahan,” badya ni Zagala na nagsabi ring mahahalaga ang mga papel ng kababaihan sa militar.
Ayon kay Zagala, si Bandarlipe ay isang engineer at isa sa 819 women officers sa may 3,400 enlisted women personnel ng Philippine Army. Sabi nga ni PDu30, mahal niya ang mga babae kung kaya dalawa ang kanyang asawa -- sina Elizabeth Zimmerman at Honeylet Avancena. Sa dalawa ring babae siya medyo takot at yuko ang ulo, kina Davao City Mayor Sara Duterte at sa teenage daughter niyang si Kitty na anak nila ni Honeylet.
oOo
Pormal na ang pagkalas ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC). Maging ang United States at China ay hindi kasapi ng ICC. Sa pagkalas ng PH sa ICC, sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na hindi na nito saklaw si PRRD. Wala na itong hurisdiksiyon sa Pangulo.
Gayunman, sinabi ni lawyer Jude Josue Sabio, ang nagreklamo laban sa Pangulo sa ICC, hindi mapipigilan ang ICC na ipag-utos ang pag-aresto kay PRRD kaugnay ng pagpatay sa libu-libong tao sa drug war. Ayon kay Sabio, hindi pa rin nawawala ang pag-asa ng libu-libong pamilya na nawalan ng mga anak, ama, at kamag-anak sa giyera sa droga ni Pres. Rody, dahil maaari namang baligtarin ng susunod na administrasyon ang pagkalas ng PH sa Rome Statute o ICC.
Ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC ay naging epektibo noong Linggo. Ang PH ang pangalawa sa mga bansa sa mundo na kumalas sa ICC, ang tanging permanent war crimes tribunal sa buong mundo. Una kumalas dito ang Burundi noong Oktubre 2017, ngunit hindi ito nakapigil sa paglilitis sa pangulo nito at mga state agent na responsable sa pagsasagawa ng krimen laban sa mamamayan noong ito ay miyembro pa ng ICC.
Matigas ang paninindigan ng ating Pangulo. Hindi siya makikipagtulungan sa ICC. “Ang korte (ICC) ay hindi kailanman magkakaroon ng hurisdiksyon sa aking pagkatao. Kahit sa loob ng isang milyong taon,” pahayag ni PRRD. Abangan at maghintay na lang tayo kung ano ang mangyayari sa isyung ito, kung ang pagkalas ng PH sa ICC ay nangangahulugang libre na si Mano Digong sa mga akusasyon laban sa kanya.
oOo
Tungkol sa narco-list na isinapubliko nina PRRD at DILG Sec. Eduardo Año, hindi lang pala dati o mga aktibong miyembro ng Liberal Party ang kasama sa listahan, kundi maski mga kasapi ng PDP-Laban (ang partido ng Pangulo) at ng Hugpong ng Pagbabago ni Mayor Sara Duterte Carpio. Marami na ang umaaray sa pagkakasama ng pangalan nila sa narco-list.
-Bert de Guzman