Arestado ang dalawang barangay tanod at 11 volunteer nang kikilan umano ang inaresto nilang drug suspect sa Barangay Commonwealth, Quezon City, ngayong Martes.
Sa report ni Police Supt. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station (PS3), ang biktima ay si alyas Tindera, ng Bgy. Commonwealth, Quezon City.
Isinagawa ang entrapment operation, sa pamumuno ni PCI Sandie Capparoso, sa Bgy. Commonwealth Hall, dakong 2:00 ng madaling araw. Kinilala naman ang dalawang tanod na sina Ben Rey at Rolando Ferrera.
Sa pahayag ni Tindera sa pulisya, hiningan siya nina Rey at Ferrera ng P50,000 para sa kanyang kalayaan, at bumaba sa P30,000.
Subalit lingid sa mga suspek na nagsumbong ang kaanak ng biktima sa pulisya.
Agad na ikinasa ang entrapment operation sa Bgy. Commonwealth Hall at nang tanggapin nina Rey at Ferrera ang marked money, agad silang dinakma, gayundin ang 11 volunteer.
Nakapiit ang dalawang tanod at 11 volunteer sa Batasan Police Station at nahaharap sa kaukulang kaso.
-Jun Fabon