NGAYON ay isang tunay na Pilipino ang pinakamayaman sa Pilipinas. Karamihan dati ay iyong tinatawag na Tsinoy. Sa pagyao ni Henry Sy, founder ng SM Group, si ex-Senate Pres. Manny Villar ang naluklok sa trono na binakante ni Mr. Sy bilang “PH richest man.” Siya ang kinikilala ngayon bilang “the brown taipan and an influential politician”. Siya ay 69-anyos at naging House Speaker bago naging pangulo ng Senado.
Si Villar, ginoo ni Sen. Cynthia Villar at ama ni DPWH Sec. Mark Villar, ay mula sa mahirap na pamilya, dating seafood vendor sa Divisoria at ngayon ay kilalang real estate tycoon. Siya ang pinakamayaman sa 17 Pilipino na kasama sa Forbes Magazine’s 2019 List of People on the Planet.
Siyanga pala, si Manny Villar ay kapwa ko kolumnista sa pahayagang BALITA. Noong siya ay kongresista pa at ako ay nagko-cover sa Kamara o House of Representatives, hindi ko siya masyadong nakilala. Gayunman, naririnig ko na siya ay low profile, simple, at hindi mayabang. Karangalan kong maging colleague ngayon sa BALITA ang isang bilyonaryo na ay isa ring kolumnista.
Si Manny Villar ay tumakbo sa pagkapangulo noong 2016 ngunit hindi siya pinalad. Tinalo siya ni Noynoy Aquino, na bigla ang pagsikat matapos mamatay ang inang si Tita Cory (dating pangulo). Siniraan din siya nang husto noon at inakusahang ginamit ang kanyang pera o PDAF sa pagpapagawa ng mga daan patungo sa kanyang mga negosyo at gusali.
Si Villar ay nag-aangkin ngayon ng $5.5 bilyon. Sumunod sa kanya sina John Gokongwei ($5.1B), Enrique Razon ($4.8B), Lucio Tan ($4.4B), Tony Tan Caktiong and family ($3.9B), Ramon Ang ($2.9B), Andrew Tan ($2.7B), Hans Sy ($2.4B), Herbert Sy ($2.4B), Harley Sy ($2.2B), Henry Sy Jr. ($2.2B), Teresita Sy-Coson ($2.2B), Elizabeth Sy ($1.9B), Eduardo Cojuangco ($1.4B); Roberto Coyuito Jr. ($1.4B), Ricardo Po Sr. and family ($1.2B), at Roberto Ongpin ($1.1B).
Sila ang mga bilyonaryo sa Pilipinas. Ilan ba ang populasyon ngayon ng ating bansa? Aba, mahigit na yata sa 100 milyon. Samakatuwid, malaking bahagi o bilang ng mga Pilipino ay wala sa kalingkingan kung ang pag-uusapan ay antas o kalagayan sa buhay. Mga pobreng alindahaw!
oOo
Mukhang desidido si Pres. Rodrigo Roa Duterte at ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ilantad sa publiko ang narco-list na sangkot ang mga kandidato o pulitiko sa illegal drugs sa bansa. Ihahayag daw ito upang magabayan ang mga botante sa kanilang pagboto sa 2019 midterm elections.
Maraming sektor ang umalma sa balak na ito ng Duterte administration. Kabilang dito ang Comelec, mga senador, at mga grupong makabayan. Nababahala ang mga senador sa pag-amin ng Malacañang na ang listahan ng mga pulitiko na hawak ni PRRD na dawit sa illegal drugs, ay batay lamang sa wiretapped phone calls na ibinahagi ng mga dayuhang gobyerno sa Pilipinas. Kabilang sa kanila ang US, China, Russia, at iba pa.
Ayon sa mga senador at iba pang sektor, anumang ebidensiya, kabilang ang wiretapped phone conversations, na nakuha nang walang court order ay hindi maaaring iprisinta sa korte dahil ito ay maituturing na “fruits of the poisonous trees.”
Sabi nga ng Comelec, higit na mabuting kasuhan ang mga pulitikong umano’y dawit sa illegal drugs sa halip na ilathala ang kanilang mga pangalan. Ayon sa Comelec, hindi nila pagbabawalan ang mga nakalagay sa narco-list ni PRRD at DILG na tumakbo sa halalan.
-Bert de Guzman