Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kababaihan na umiwas sa mga pari at obispo.
Sa kanyang talumpati sa pagbisita nito sa Sagay, Negros Occidental, diretsahang sinabi ng pangulo na tiyak na pinopormahan o nililigawan umano ng mga pari at obispo ang mga babae na kanilang nasosolo sa simbahan.
"Kahit anong sabihin, eh lalaki pa rin ang mga pari na tulad ng pangkaraniwang tao, natutukso rin ang mga ‘yan," wika ng Pangulo.
Binigyan-diin pa nito, maraming lider ng simbahan ang ipokrito pagdating sa isyu ng sekswalidad kaya ito ang dahilan kaya maraming mga pari o obispo ang hindi makapagpigil sa kanilang mga sarili.
Talamak din aniya ang isyu ng kalokohan sa loob ng simbahan at nangyayari ‘yan hindi lamang sa Pilipinas, tulad ng laman ng mga balita sa kasalukuyan.
"Yang original sin na ‘yan, ang konsepto n’yan ay dala na ng bawat taong isinilang sa mundo. Hindi dapat masyadong maniwala sa konsepto ng langit at impiyerno dahil bahagi lang ‘yan ng pananakot ng mga naunang tao sa mundo,” sabi pa ni Duterte.
-Beth Camia