NANINIWALA ako na hindi mag-aatubili si Pangulong Duterte sa paglagda sa panukalang-batas na lumilikha ng National Commission on Senior Citizens (NCSC), lalo na kung iisipin na siya mismo ay kahanay na ng mga nakatatandang mamamayan. Isa pa, gusto ko ring maniwala na matayog din ang kanyang pagpapahalaga sa senior citizens na naging katuwang din sa pagbalangkas ng mga patakaran at mga programang pangkabuhayan, panlipunan, at pampulitika.
Ang naturang bill na natitiyak kong binalangkas din ng kapwa nating mga senior citizens ay sinasabing magkatuwang na isinusulong ng Kamara at Senado. Bagama’t hindi pa ito pinipirmahan ng Pangulo, napag-alaman ko na tinatalakay na rin ng kinauukulang mga mambabatas ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng naturang bill; nakiisa sa nasabing talakayan ang mga kinatawan ng mga tanggapan ng senior citizens mula sa mga local government units (LGUs).
Magugunita na ang hanay ng nakatatandang mamamayan lamang ang walang ahensiya na nangangalaga sa kanilang mga kapakanan, katulad ng grupo ng mga kabataan, kababaihan, at iba pa na pawang nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo. Natitiyak ko na ganito rin ang mangyayari sa NCSC. Binubuwag ng bill ang National Coordinating and Monitoring Board, ang senior citizen agency na nasa pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa pagpapatupad ng NCSC, dapat lamang tiyakin ng mga namumuno dito – at ng Duterte administration – ang pangangalaga sa karapatan ng halos 10 milyong nakatatandang mamamayan; kabilang na rito ang mahigpit na implementasyon ng mga batas na magkakaloob sa kanila ng mga economic benefits at iba pang kaluwagan na, kahit paano, ay makapagpapahaba ng kanilang buhay.
Bagama’t ang halos lahat ng senior citizens ay retirado na, natitiyak ko na ang kanilang mga karanasan ay pakikinabangan pa rin sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran; hindi kumukupas ang kanilang talino at matalim pa ang pag-iisip. Totoo, mahihina na ang pangangatawan, tagilid at pagewang-gewang na kung maglakad, subalit natitiyak ko na sila ay magiging katuwang pa rin ng mga komunidad, lalo na sa paglika ng isang payapang pamamayanan.
Dahil sa kanilang mabungang pakikipagsapalaran, pagsisikap at paglilingkod sa pamahalaan, sa bayan at sa kani-kanilang mga mahal sa buhay, marapat lamang na sila ay pag-ukulan ng walang hanggang pagkalinga – lalo na ngayong ang karamihan sa kanila ay nasa dapit-hapon na ng kanilang buhay.
-Celo Lagmay