MUKHANG mapapa-“rock & roll” nang todo ang lodi naming mga “baby boomer” na si Presidential Adviser on Economic Affairs Ramon “RJ” Jacinto, sa mga reklamo ng mga grupong tutol sa pilit niyang itinutulak na panukala na binansagang “common tower duopoly” lalo pa’t papalapit na ang halalan ngayong Mayo 13.
Sa tingin ko pa nga, mas malamang na magamit pa itong malaking isyu ngayong eleksyon, dahil sa bintang na “conflict of interest” kay lodi RJ, na sinasabi ng ilang grupo na umano’y isa sa mga “paboritong opisyal” ng administrasyon. Wala man lang daw kasing nagpaparamdam ng pagtutol sa mga taga-Malacañang sa isinusulong ni lodi RJ na dalawang kumpanya lamang ang dapat na gumawa ng kinakailangang 50,000 cell tower upang mapabilis ang serbisyo ng internet sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, ang magkasamang bilang ng “cell tower deployment” ng PLDT/SMART at GLOBE Telecom ay aabot lamang sa 17,000 cellsites, na halos wala pa sa kalingkingan ng mga cell tower ng mga kapitbahay nating bansa, gaya ng Vietnam na may 70,000 cellsite at Indonesia na may 90,000 cellsite – kaya ‘di kataka-taka na usad pagong ang ating internet, kumpara sa ating mga kalapit bansa sa Asia.
Sa mga naganap na “public consultation” matapos na ilabas ang “draft” ng naturang circular, ay pinanindigan ni lodi RJ ang kanyang panukala. May halong pangangantiyaw pa nga nang sinabi niyang kapag sumobra sa dalawa ang magiging “tower provider” sa pag-uumpisa ng serbisyo ng third telco, ay paniguradong magiging “rowdy” at “non-viable” ang mga ito sa industriya ng telecommunication sa bansa.
Dito mas nagalit ang mga grupo – advocacy at civil society -- na tumutuligsa sa “duopoly” ni lodi RJ, pinakamainit ang Filipino League of Advocates for Good Governance (FLAG) na pinamumunuan ni Ed Cordevilla. Kaya agad inihain ng FLAG ang reklamong “conflict of interest” laban kay lodi RJ sa tanggapan ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC). Sentro sa reklamo ang pagbanggit sa negosyo ng pamilya Jacinto na makikinabang umano ng todo sa panukalang “duopoly” na pilit ipinaglalaban ni lodi RJ.
Nakakuha ako ng kopya ng reklamong isinampa ng FLAG sa PAGC kaya ko nasabi na malamang mapa-”rock & roll” dito si Lodi RJ, dahil pati na ang mga nagdaang kaso nito, noong siya ay nabigyan ng posisyon ng mga natulungan niyang administrasyon, ay isa-isang hinalungkat at binanggit sa reklamo.
Kabilang sa sinasabing mga violation ni lodi RJ ay ang pagbalewala nito sa Philippine Competition Act (R.A. 10667) at sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (R.A. 6713). Partikular ding tinukoy ng grupo ang section 7a – na nagsasabing: “That public officialsand employees shall not directly or indirectly have any financial ormaterial interest in any transaction requiring the approval of theiroffice”.
Ayon sa FLAG, ang pamilya Jacinto ay kilala na noon pa bilang isa sa mga may-ari ng malaking negosyo ng “steel manufacturing” na numero unong makikinabang sa itinutulak na panukala ni lodi RJ, kaya todo ang suporta niya sa “duopoly” kahit kabi-kabila ang pagtuligsa rito ng mga negosyante na iginagalang sa international community.
Kung totoo ang mga patutsadang ito laban kay lodi RJ – makasama rin kaya siya sa listahan ng mga opisyal na dating peborit, pero biglang nalaglag sa listahan ng administrasyon? Subaybayan sa susunod na kabanata ang mga drama ng pulitika sa bansa.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.