SAN FELIPE, Zambales – Napatay ang isang 72-anyos na babae at sugatan ang dalawang iba pa matapos silang pagbabarilin ng nag-amok na isang nasibak na pulis sa Barangay Sto. Niño, San Felipe, Zambales, nitong Linggo ng umaga.

(AMOK) images

Dead on arrival sa San Marcelino District Hospital ang biktimang si Erlinda Arriola dahil sa tama ng bala sa tiyan.

Sugatan naman ang asawa’t kapatid ni Arriola na sina Rogelio, 76, at Jaime Facelo, 71, pawang taga-Bgy. Amagna, ayon sa pagkakasunod, dahil sa tama ng bala at taga sa kanilang katawan.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Tinutugis pa rin ng mga awtoridad ang suspek na si Randolf Cambe, 48, na dati nang nasibak sa serbisyo bilang pulis, at taga-Sto. Niño, ng nabanggit na bayan.

Bago ang insidente, kinumpronta ng mag-asawang Arriola ang suspek dahil kinain umano ng alaga nitong kambing ang kanilang mga gulay.

Sa gitna ng pagtatalo, biglang binaril ng suspek ang mag-asawa sa kanilang tiyan at nang tangkaing awatin ni Facelo ang mga ito at binaril dito siya nito.

Nang maubusan ng bala ang baril nito, kumuha ng itak si Cambe at pinagtataga sina Rogelio at Facelo.

Matapos ang krimen ay agad na tumakas si Cambe, sakay ng motorsiklo patungo sa hindi matukoy na lugar.

-Jonas Reyes