ANIM na koponan mula sa pinakamalalaking unibersidad at kolehiyo sa Dagupan at Urdaneta City ang naglaban-laban sa firefighting at rescue para sa unang Inter-college Fire Olympics, nitong Lunes.
Sa isang panayam, sinabi ni Dagupan City fire marshal Chief Inspector Georgian Pascua na ang programa ay inisyatibo ng Dagupan Bureau of Fire Protection (BFP) stations at ng BFP Urdaneta City, kasama ang mga lokal na pamahalaan, na layuning sanayin ang mga mag-aaral sa kolehiyo sa katangian ng “leadership, teamwork, and commitment.”
“We need more responsible youths, sa ganitong edad matutunan na nila kung paano rumesponde sa emergencies,” aniya.
Ang mga kalahok sa paligsahan ay mga mag-aaral ng kursong criminology sa University of Pangasinan, University of Luzon, Colegio de Dagupan, Panpacific University North Philippines, Lyceum Northern Luzon, at Urdaneta City University.
Binuo ang bawat koponan ng 12 miyembro, na ang bawat isa ay kumakatawan sa kanilang paaralan, ipinamalas ng bawat grupo ang kanilang husay sa iba’t ibang sitwasyon.
“We focus on basic firefighting techniques such as hose relay, bucket relay, and the likes. The kids can use these skills in their schools and even in their homes when the need arises,” pahayag ni Pascua.
Tumanggap ng tropeo at salapi ang mga nanalong koponan, ngunit ang galing at kaalaman na natutunan ng mga kalahok sa programa na maaari nilang magamit sa mga tunay na sitwasyon ang mas mahalaga.
Pinasalamatan naman ni Pascua ang lokal na pamahalaan ng Dagupan, sa pamumuno ni Mayor Belen Fernandez, para sa ibinigay nitong buong suporta para sa aktibidad.
Samantala, nakatakdang pasimulan ng BFP-Dagupan ang Junior Fire Olympics para sa mga mas batang mag-aaral sa Marso, kasabay ng Fire Prevention Month.
“We will have more activities for the students to immerse themselves into. It will be a good learning experience for them,” ani Pascua.
PNA