MIES (Switzerland) - Walong koponan, kabilang ang host China, sa binigyan ng top seeding batay sa kasalukuyang world ranking para sa 32-team FIBA World Cup sa Agosto sa China.
Awtomatikong ibinigay sa China ang seeding bunsod nang pagiging host team, habang ang pito ay ang mga nangunang koponan sa isinagawang qualifying, sa pangunguna ng Team USA. Kasama ring seeded teams ang Spain, France, Serbia, Argentina, Lithuania at Greece.
Isasagawa ang draw batay sa ranking na inilabas ng FIBA sa pagtatapos ng qualifying round.
Walang nabago sa Top 9, habang nakuha ng Russia ang No.10 rank tangan ang 525.3 puntos matapos ang matikas na 2-0 panako ng koponan na ginagabayan ni Sergey Bazarevich sa European Qualifiers.
Lumabas sa Top 10 ang Australian Boomers (515.0) bunsod ng 1-1 karta sa huling dalawang laro sa Asian Qualifiers.
Umakyat sa No.37 ang Senegal matapos manalao sa huling tatlong laro sa African Qualifiers para makausad sa World Cup.
Mababago ang FIBA World Ranking Men sa pagtatapos ng FIBA Basketball World Cup 2019 sa August 31-September 15.
Nawalis naman ng Team Philippines Gilas, sa pangunguna ni naturalized Andrey Blatche ang sixth at final windows game sa Asian Qualifiers laban sa Qatar at Kazakshtan para makuha ang No.31 ranking, mas mataas sa karibal na South Korea (32).