LABIS na naming nauunawaan kung bakit maraming taong gusto ang komedyanteng si Jobert Austria. Sa halos kalahating oras namin niyang kakuwentuhan, napansin naming hindi siya showbiz na tao; marami siyang kuwento, nakakatuwa siyang kausap, at hindi siya nahiyang aminin ang mga hindi magandang nangyari sa buhay niya.
Kaya panay ang puri sa kanya ng leading lady niya sa pelikulang Familia Blondina na si Karla Estrada. Ayon kay Karla, masarap nga raw kausap at mahusay magpatawa si Kuya Jobert (tawag sa kanya sa showbiz).
Sa ipinatawag na pocket presscon ng manager ni Jobert na si Ogie Diaz nitong Linggo, aliw na aliw kami sa kuwentong pag-ibig ng aktor na nagsimula pa noong Grade 4 siya. Hanggang ligaw-tingin lang daw siya sa kanyang kababata at kalaro hanggang sa nag-high school sila.
“Hindi ako nakapanligaw kasi ang ganda-ganda niya,” kuwento ni Jobert.
Hindi sila nagkatuluyan ng kanyang first crush at maituturing na first love dahil nagkanya-kanya silang buhay, hanggang sa mapunta sa Canada ang si girl. Si Jobert naman ay may iba na ring pamilya.
Pero hindi pinalad ang komedyanteng aktor sa kanyang asawa. Iniwan siya nito at nasolo niya ang pag-aalaga sa nag-iisa nilang anak na lalaki, na ngayon ay may sariling pamilya na rin.
“May apo na ako,” sabi ni Jobert.
May ibang pamilya na rin ang ex-wife ni Jobert. Thirty years na silang hiwalay at wala na silang komunikasyon.
Ang first crush at first love ni Jobert ang kasalukuyang karelasyon niya ngayon, at plano nilang magpakasal sa Canada soon.
“Pinetisyon niya ako. Pupunta ako roon para sunduin siya,” pakli ng aktor.
Paano sila nagkaroon ng komunikasyon ulit ng kanyang kababata?
“Nu’ng nag-artista na ako, hinanap ko siya sa Facebook. Timing naman hiwalay na rin pala siya sa asawa niya at may apat nang anak,” kuwento ni Jobert.
Ipinakita niya sa amin ang litrato ng kababata niya noong kolehiyala pa ito, at pati kami ay talagang humanga dahil maganda talaga siya.
At ano naman ang itsura ngayon ng girl na may mga anak na?“Naku, para kong anak nga, eh,” aniya, sabay pakita ng litrato nilang dalawa. Iisa ang nasabi ng entertainment press, totoong mukha nga silang mag-ama.
“Ako lang yata ang nabubulok, siya hindi,” seryosong biro ni Jobert na ikinatawa ng lahat.
At take note, 50 years old na si girl at si Jobert ay 48 years old.“Genes siguro kaya mukhang bata pa rin,” sabi niya.
Sa real estate nagwo-work ang future wife ni Jobert, at naka-base sa Calgary kasama ang apat na anak na magaganda rin, at guwapo ang anak na lalaki.
Biniro nga namin si Jobert na bagay sa kanya ang karakter niya sa Familia Blondina na magaganda ang mga anak. Ang pagkakaiba lang ay hindi blonde ang buhok ng mga bagets ng magiging wife niya, at umayon naman siya.
Base sa paglalarawan ng aktor ay talagang mapapasagot niya ang kababata niya dahil nu’ng panahong may komunikasyon na sila ay mapapahanga ka na hindi talaga nawala ang girl sa puso ni Jobert. Naikuwento niya sa amin nang buo pati ang mga isinusuot ng babae nu’ng bata sila at naglalaro pa, pati ang nunal sa pisngi nila.
“Umaakyat nga ako sa bakod para lang makita ko ‘pag bumaba na siya ng school bus. Binabato pa nga ako ng nanay no’n ng hose,” masayang balik-tanaw ng komedyanteng aktor.
“Kalaro ko siya kasi kapitbahay ko pero hindi ako makalapit kasi sa street namin heartthrob siya, maraming nanliligaw, eh. Ako naman hindi naman ako (guwapo).”
Hindi pa rin daw nagkaroon ng lakas ng loob na ligawan ni Jobert ang kanyang future wife noong artista na siya.
“Sa radio ako tapos nag-online ako. Sabi ko panoorin mo ‘yung show ko, tapos binabati ko siya. Sabi ko, ‘pinakamagandang kababata ko at hinaharana ko’. Ginawan ko kasi ng kanta ‘yun. At that time kasi kahihiwalay niya (sa asawa) at natutuwa siya, tawa nang tawa sa mga joke ko.
“Kaya raw niya ako nagustuhan kasi kung paano ako mag-isip, paano magpatawa. Saka ‘pag nandito ‘yun, talagang alaga ko ‘yun,” pahayag ng aktor.
Magkarelasyon na sina Jobert at ng kanyang future wife nu’ng panahong nalulong siya sa droga, na kamuntikan pa niyang ikamatay.
“Hindi ako iniwan no’n, kaya talagang sobrang pasalamat ko sa kanya,” papuri ng aktor.
Apat na taong malinis na raw si Jobert, kahit ipa-drug test pa siya. Sadyang iniwasan na niya ang lahat ng bisyo at mga taong naging dahilan kaya siya nawala sa landas.
“Mahirap kapag nagkaroon ka bigla ng pera, parang nalula ako. Sobrang nagpapasalamat ako kay Direk Bobot (Mortiz), hindi niya ako binitiwan, si John Lloyd (Cruz). Nu’ng lumabas ako sa rehab siya ang sumalo sa akin.
“Nasa iyo rin talaga kung babalik ka (sa bisyo) o hindi. Actually ‘yung rehab pinagpahinga ka lang, kaya kung lalabas ka at gusto mong bumalik, nasa tao na ‘yun,”pagkukuwento ni Jobert.
Hirit naming, puwedeng pang-MMK (Maalaala Mo Kaya) ang kuwento ng buhay ni Jobert, at napangiti siya. Kung sakaling itatampok sa MMK ang buhay niya, ang gusto niya ay si John Lloyd ang gumanap bilang siya.
Anyway, bukod kina direk Bobot at John Lloyd ay abut-abot din ang pasasalamat ni Joebert kay Coco Martin, dahil sa tiwalang ibinigay sa kanya sa FPJ’s Ang Probinsyano. Mahigit dalawang taon na siyang bahagi ng top-rating serye.
“At siyempre kay Ogie na manager ko,” saad ni Jobert.
Trabaho-bahay lang ang ruta ng aktor dahil pitong araw sa isang linggo siyang laman ng telebisyon, dahil sa mga Ang Probinsyano, Home Sweetie Home at Banana Sundae bukod pa sa ginagawa niyang pelikula.
“Dasal at pahinga lang para hindi magkasakit, kasi araw-araw ako may trabaho,” kuwento ng aktor.
Showing na ang Familia Blondina ngayong Miyerkules, February 27.
-REGGEE BONOAN