SOBRANG laki ng tiwala ng Viva boss na si Vic del Rosario kay Direk Irene Villamor, dahil ang pelikulang idinirek ng huli ang laging ipinantatapat sa Hollywood movies.
Nakatsikahan namin si Direk Irene pagkatapos ng mediacon ng Ulan, na produced ng Viva Films at mapapanood na sa Marso 13.
“Hindi nadala talaga sa akin si Boss Vic, kasi lagi na lang ako ang humaharap sa mga (Hollywood na) pelikula. ‘Yung Meet Me in St. Gallen (2018) 50 Shades of Grey ang head on, tapos Black Panther. ‘Yung Sid & Aya (2018), nahati naman sa Deadpool at Jurassic Park. Tapos ‘yung Camp Sawi (2016), Train to Busan naman ang katapat.
“Lagi akong ibinabala, nakakaloka! Tapos ngayon, mauuna ng one week ang Captain Marvel, tapos 2nd week kami na, Ulan! Nakakalula lang.”
Oo nga. Ang lalaki ng mga Hollywood movies na nakakatapat ng mga pelikula ni Direk Irene. Pero kahit na malalaki ang mga nabanggit na pelikula ay hindi siya nagpakabog, dahil kumita ang lahat ng pelikula niya.
“Hindi Star Cinema-level ang mga pelikula ko,” pa-humble na sabi ng direktor. “Like Meet Me in St. Gallen was P80M plus [ang kinita]. Since maliit naman ang budget kahit out of the country (Switzerland) siya. Four days lang. Tapos Sid & Aya, naka-P170M yata.”
Hindi matandaan ni Direk Irene kung nakamagkano ang Camp Sawi, pero kumita raw ito. Naniniwala naman kami dahil puno ang mga sinehan nang manood kami nito sa Robinson’s Magnolia dalawang taon na ang nakararaan.
Pahabol pa ng paboritong direktor ngayon ni Boss Vic: “Hashtag support local films.”
Anyway, isang dekada na ang nakaraan nang sulatin ni Direk Irene ang Ulan. Dating short story lang ito na ginamit niya sa klase niya sa UP (Diliman). Napansin ito ni Binibining Joyce Bernal na nakaipit sa script ng Agent X44 (2007) ni Vhong Navarro habang sinu-shoot ang huli.
Nagtatrabaho noon si Direk Irene bilang script continuity para kay Binibining Joyce. At nang mabasa ng huli ang Ulan ay kaagad niyang sinabihan ni Direk Irene na gawing pelikula ang script.
Ipinitch naman ito ni Direk Irene kay Boss Vic, at kaagad na nagustuhan. Nagpa-casting na, at sina Nadine Lustre, Marco Gumabao, AJ Muhlach, Ella Illano, Joseph Elizalde, at Perla Bautista nga ang itatampok sa pelikula, handog ng Viva Films.
Klinaro ni Direk Irene na hindi horror ang Ulan. Ipinaliwanag niya kung bakit may tikbalang sa movie.
“Kasi po kapag umuulan at umaaraw may kasabihan na may ikinakasal na tikbalang. ‘Yan ang naririnig ko habang lumalaki ako. Sa probinsiya kasi ako laki, at dito sa Manila ako nag-aral ng kolehiyo, sa UP,” kuwento niya.
Naki-presscon din ang mga gumanap na tikbalang sa pelikula, pero kaagad naman silang pinagpalit na ng damit ni Direk Irene dahil pagod sila at hindi na makahinga.
Mapapanood na ang Ulan sa Marso 13.
-REGGEE BONOAN