NANG lagdaan ni Pangulong Duterte ang Universal Health Care (UHC) Act, biglang nabuhay ang pag-asa ng katulad naming masasakitin na malaon nang umaasam hindi lamang ng may kalidad na pangangalagang pangkalusugan kundi ng halos libreng pagpapa-ospital; hindi na isang imahinasyon ngayon ang pagmamalasakit na dapat ipagkaloob ng gobyerno sa mga may karamdaman na ang ilan ay hindi na nakararating ng ospital dahil sa kakulangan ng magagastos.
Itinatadhana ng naturang batas na ang lahat ng Pilipino ay magiging bahagi na ngayon ng National Health Insurance Program; palalawakin ang misyon ng Philhealth na kinabibilangan ng free consultation at laboratory test at iba pang gastusin sa mga diagnostic centers. Isipin na ang lahat ng mamamayan, pati marahil ang halos kasisilang pa lamang, ay magiging kasapi agad ng Philhealth.
Pinatutunayan ng mga karanasan na hindi biro ang magkasakit; kailangang isugod sa mga pagamutan at magpasuri sa mga doktor. Samantalang naka-ospital, laging alumpihit ang mga pasyente at pakiramdam ay lalong magkakasakit kung naiisip ang hospital bills at professional fee na dapat bayaran bago lumabas ng pagamutan. Nakalulungkot na may pagkakataon na ang ilang pasyente ay hindi pinauuwi hanggang hindi nakababayad ng bill.
Maaaring hindi kaagad madadama ng ating mga kababayan ang epekto ng nasabing batas. Tila mangangailangan pa ng P400 bilyon sa unang taon ng implementasyon nito. Naniniwala ako na hindi gaanong magiging problema ang paglalaan ng pondo para sa pagkakaloob ng mainam na serbisyong pangkalusugan. Inaasahan ang lubos na pagsaklolo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) – ang dalawang ahensiya na laging nakalaan sa pagkakawanggawa, lalo na sa mga may sakit. Isa pa, ang pondo para sa nasabing batas ay magiging bahagi ng taunang gugugulin ng Department of Health (DoH) at ng mismong Philhealth.
Dapat pagtuunan ngayon ng kinauukulang kagawaran ng pamahalaan – ng DoH at Philhealth – ang pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) upang ganap na ipatupad ng naturang batas. Ito ang magiging batayan sa pagkakaloob ng mga benepisyong dapat tamasahin ng sambayanan.
Hindi dapat magpaumat-umat ang nabanggit na mga ahensiya sa mabilis at epektibong paghahanda ng IRR.
-Celo Lagmay