UMANI ng suporat ang isinulong na Anti-Doping Seminars ng Philippine Sports Commission at Philippine Anti-Doping Organization (PHINADO) na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) bilang paghahanda na rin sa hosting ng 2019 SEA Games ngayong Nobyembre.

Ayon kay coach Stephen Fernandez ng Philippine Taekwondo Association at kasalukuyang Athletic Director ng St. Benilde, kailangan na maging mapanuri ang lahat ng atleta, coaches at opisyal pagdating sa gamot na iniinom o ginagamit ng mga ito upang maiwasan ang insidente ng doping.

“Kailangan talaga vigilance, paalala sa mga atleta na bago kayo mag take ng gamot lalo na flu or colds kailangan talaga ipaalam muna sa mga NSA’s and we need to we seek permission lalo na yung mga prescription drugs with Dr. Raul Canlas,” pahayag ni Fernandez sa kanyang pagdalo sa lingguhang ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization of the Philippine Sports (TOPS) kahapon sa National Press Club.

Aminado naman si MPBL Commissioner Kenneth Durremdes na kailangan nila na pag-aralan sa nasabing liga kung paano nila ipapatupad ang paghihigpit pagdating sa mga gamot na iniinom ng kanilang manlalaro.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Sa ngayon careful kami pagdating d’yan, pinagaaralan namin kung ano ‘yung mga prohibited substance. Ngayon kasi mga players kung anu-ano ang iniinom na energy drinks, so hanggang ngayon pinag-aaralan namin talaga. Kasama din ‘yan sa bylaws and house rules ng liga,” ayon sa dating Captain Marbel ng PBA.

Layunin ng nasabing anti-doping campaign ng PSC na palawigin ang kaalaman ng mga atleta ukol sa nasabing isyu lalo pa ngayong darating na biennial meet.

Nais ng PSC na ipatupad ang patas na labanan, sa kahit na anong aspeto.

-Annie Abad