GENERAL SANTOS CITY – Napatay ng mga awtoridad ang isang umano’y teroristang kaanib ng ISIS-inspired terror group Ansar-Khilafah Philippines (AKP) habang arestado ang kasamahan nito sa isang pagsalakay sa hideout ng mga ito sa Barangay Apopong, General Santos City, nitong Huwebes ng madaling araw.
Ang nasawi ay kinilala ni Supt. Aldrin Gonzales, tagapagsalita ng
Police Regional Office-12, na si Mindoro Tacbil. Inaresto rin ng mga awtoridad ang kasabwat nito na Margani Lumamba, na taga- Matanog, Maguindanao.
Nakumpiska sa dalawa ang isang Thompson sub-machine pistol at isang cal. 45 pistol.
Ayon sa mga awtoridad, ang dalawa ay remnants umano ng AKP na pinamunuan ni Mohamad Jaafar Maguid na napatay naman ng tropa ng pamahalaan sa isang sagupaan sa Kiamba, Sarangani, noong 2017.
Sa Intelligence information, isinasangkot din ang dalawa sa iba’t ibang criminal activites, kabilang na ang gun-for-hire at robbery sa Sultan Kudarat province at itinatag ng AKP ang una nilang pinagkukutaan sa Palimbang.
Bago isinagawa ang pagsalakay, nakatanggap ng imnpormasyon ang mga awtoridad na nagsasabing naglulungga ang dalawa sa mga butas sa bahay ng isang Tong Katog sa Purok 7, Apopong na nagresulta sa sagupaan na ikinasawi ni Tacbil.