Pinarangalan ngayong Lunes ng Philippine National Police ang pulis na sinabuyan ng taho ng babaeng Chinese sa MRT station sa Mandaluyong City, nitong linggo.
Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, bumilib sila ay disiplina at pasensiyang ipinakita ni PO1 William Cristobal, sa kabila ng pagkapahiya nito sa harap ng mga guwardiya at pasahero ng MRT.
"We are very proud of him, of his commendable action," ani Albayalde.
Tinanggap ngayong Lunes ni Cristobal ang commendation medal mula sa PNP leadership kaugnay ng tamang pag-aksiyon sa kumprontasyon kay Jiale Zhang.
Matatandaang sinabuyan ng taho ni Zhang si Cristobal nang pagbawalan siya nitong papasukin sa MRT Boni Station sa Mandaluyong, dahil sa bitbit niyang taho.
Ang dayuhan ay nahaharap sa kasong direct assault, disobedience to person in authority, at unjust vexation. Nakatakda rin siyang ipa-deport.
-Aaron Recuenco