“SINABI ko kay bishop na humihingi ako ng tawad para sa lahat ng mga napatay sa aming war on drugs dahil binabagabag ako ng aking konsensiya. Kahit hindi ako ang bumaril at pumatay sa kanila, ako ang PNP Chief. Nangyari ang lahat sa ilalim ko,” wika ni dating Philippine National Police chief Ronald “Bato” dela Rosa sa mga mamamahayag nitong Huwebes, pagkatapos niyang dalawin si Bishop Rolando Tria Tirona, ng Archdiocese ng Caceres.
Nakipag-usap siya sa bishop nang humingi siya ng kapatawaran. “Inakap niya ako at binasbasan. Binigyan niya ako ng isang bagay na mangangalaga sa akin saan man ako pumunta,” sabi ni Dela Rosa nang tanungin siya sa naging reaksiyon ng bishop.
Si Dela Rosa ay nasa Naga City dahil siya ang panauhing tagapagsalita sa pagtitipon sa Naga College Foundation. Ayon sa kanya, ang mga pagpatay ay nagdulot sa kanya ng “guilty feeling and heavy heart”. Sinabi niya na lagi siyang humihingi ng tawad sa Diyos at spiritual guidance sa tuwing may taong napapatay sa kanilang pakikidigma laban sa droga. Aniya, tinatawag silang murderer.
Kandidato sa pagkasenador si Gen. Dela Rosa, hindi kaya isa lang ito sa kanyang mga paraan ng pamumulitika? Ang mga pulitiko, sa hangarin nilang makuha ang simpatiya ng mga manghahalal, ay ginagawa ang lahat— nanlilinlang, nagpapanggap at nagsisinungaling. Iyong hindi niya ginagawa noon ay ginagawa ngayon. Kung totoo ang sinabi ni Dela Rosa na sa tuwing may napapatay sa pagpapairal nila ng war on drugs ng Pangulo, nagkakaroon siya ng guilty feeling at heavy heart, bakit naatim pa niyang magtagal sa p’westo at tapusin ang kanyang termino? Hindi karuwagan at pag-atras sa iyong tungkulin kung ikaw ay nagbitiw, bagkus katapangan itong matatawag. Katapangan ang pagsunod sa idinidikta ng iyong konsensiya. Nasa puso at konsensiya ang likas na kabutihan ng tao.
Ipinaalam muna kaya ng heneral kay Pangulong Duterte na dadalawin niya si Bishop Tirona bago niya ginawa ito? Kung ipinaalam niya ito, ipinaalam niya kaya na hihingi siya ng tawad sa bishop para sa lahat ng mga napatay ng war on drugs, na siya niyang sinabi sa mga mamamahayag na kanyang ginawa? Mabigat kasi ang epekto nito sa war on drugs at pagpapatuloy sa pagpapatupad ng polisiyang ito na marami na naman ang napapatay. Mabigat din iyong ikinumpisal niyang paghingi sa Diyos ng kapatawaran at patnubay sa tuwing may taong napapatay sa kanilang pakikipaglaban sa droga. Bago pa man ito, eh hindi na maganda ang trato ng Pangulo sa mga bishop at sa Simbahang Katoliko. Ikinagalit ng Pangulo ang pakikialam ng mga ito sa kanyang war on drugs. Hindi niya nagustuhan ang payo nila na igalang ang karapatan at dignidad ng tao at kung nagkasala ito, bigyan ng pagkakataong magbago.
Kaya, lihis dito ang pagdalaw at paghingi ng tawad ni Dela Rosa kay Bishop Tirona. Hindi mahalaga kung ito man ay pamumulitika, ang mahalaga ay ipinakita niyang mali ang polisiyang pumatay ng tao. Mali ang pinairal na war on drugs ng Pangulo.
-Ric Valmonte