TINANGHAL na kampeon ang Pasig Grindhouse Kings sa idinaos na Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 Preseason tournament nitong Lunes sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Inungusan ng Pasig ang veteran-laden San Juan-Go for Gold Knights, 21-17, sa finals para makamit ang inaugural preseason crown ng FIBA 3X3-sanctioned tournament.
Pinangunahan ni Dylan Ababou ang kanilang koponang kinabibilangan ng mga kabataang Filipino-American cagers kontra sa Knights na pinamunuan naman ni Mac Cardona.
Nagtala ng 10 puntos si Ababou sa finals upang ipakitang kaya pa nyang maglaro sa mataas na level makaraang makipagsabayan sa mga Fil-Am teammates na sina Taylor Statham, Joshua Munzon at Troy Rike.
“First of all, thankful ako kay Lord na nanalo kami. Nakabigay ako ng impact sa team at na-lead ko yung team namin. It’s been a while since I won the championship, it’s always a good feeling,” pahayag ni Ababou.
“Winning is a habit. Ayaw namin masanay sa talo, kailangan high standard palagi,” aniya.
Nauna nang tinalo ng Pasig upang umusad sa finals ang Bataan Risers, 21-15, habang ginapi naman ng Knights, 21-9, ang Vigan Baluarte Zoo sa semis.
Samantala, ang una at regular 12-team tournament ay opisyal na magsisimula sa Pebrero 16 sa SM Megamall Event Center.
-Marivic Awitan