Dear Manay Gina,

Kamakailan, nalaman ko, sa pamamagitan ng aking bunsong anak, na ang pinsan niyang lalaki, ang binatilyong anak ng aking kapatid, ay bading. Ipinagtapat ito ng aking anak sa kanyang ama at ipinagtapat naman ito ng aking mister sa akin, kasabay ng bilin na ‘wag ko daw itong sabihin sa aking kapatid.

Ngayon, parang naiipit ako. Naiisip ko na ipagtapat ang aking natuklasan sa aking kapatid at sa kanyang asawa. Iniisip ko kasi ang kalagayan ng aking pamangkin. Baka siya ay nalilito pa at baka kailangan niya ng tamang payo. Gayunman, iniisip ko ring baka magtampo naman ang aking pamangkin sa aking anak kapag ang sikretong ito ay lumabas. Alam kong sensitibong bagay ito, na makaaapekto sa buong buhay ng aking pamangkin. Ano kaya ang tama kong gawin?

-- Grace

Dear Grace,

I hope, sa sitwasyong ito ay papaboran mo ang iniisip mong isara muna ang iyong bibig. Hindi mo puwedeng ipagkanulo ang pamangkin mo sa kanyang magulang. Mangyari, kung handa na ang iyong pamangkin na magtapat sa kanila, marahil ito ay kanya nang ginawa.

Dahil ang iyong pamangkin ay sa anak mo nagtapat, puwede mong ipayo sa anak mo na sabihin sa kanyang pinsan na puwede itong humingi ng payo sa isang guidance counselor kung ito ay nakararamdam ng pagkalito tungkol sa kanyang seksuwalidad. Dahil siya ay nagtapat sa ‘yong anak, natural lang na may masasabi rin ang iyong anak tungkol sa bagay na ‘yon. Sa ganitong paraan, maipaparating mo sa ‘yong pamangkin ang gusto mong sabihin sa kanya.

Nagmamahal,

Manay Gina

“When you betray somebody else, you also betray yourself.”

--- Isaac Bashevis Singer

Ipadala ang tanong sa [email protected]

-Gina de Venecia