Pitong katao ang nasawi habang limang iba pa ang nasugatan nang magbarilan ang dalawang pamilya sa Hadji Motamad sa Basilan, nitong Huwebes ng gabi.
Ipinahayag ni Police Regional Office (PRO)-9 Director Chief Supt. Emmanuel Luis Licup na kabilang sa nag-aaway na angkan ang pamilya ng Sahibad at Ahmad, parehong taga-Hadji Motamad.
Sinabi ni Licup na dalawa sa mga biktima na sina Abdullah Japaluddin, 33; at Nashra Akimmuddin, 37, ay dead on arrival sa Brent Hospital, dahil na rin sa mga tama ng bala sa iba’ t ibang bahagi ng katawan.
Dalawa naman sa pamilya Ahmad ang naiulat na nasawi habang isa pa sa angkan ng Sahibad ang binawian ng buhay sa pinangyarihan ng engkuwentro.
Ayon kay Licup, dalawa pa lang sa limang nasugatan ang nakilala na sina Paring Sahibad, 67; at Tadeo Sahibad.
Sa ulat na natanggap ni Licup, binanggit na armado ng automatic rifle si Albani Ahmad, barangay kagawad, nang sugurin nito ang bahay ng mga Sahibad at hinahanap si Bassal Sahibad, anak ni Paring Sahibad na pinagbibintangan nitong nakiki-alam sa kanilang radio network.
Nang hindi makita si Bassal, bigla na lang umanong pinagbabaril ni Ahmad ang mga biktima.
Nang mabalitaan ng pamilya Sahibad ang insidente, sinugod naman nila ang pamilya ni Ahmad at pinagbabaril ang mga ito.
-Nonoy E. Lacson