Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7:00 n.g. -- Alaska vs. Magnolia
MAKUHA ang 2-0 bentahe sa duwelo para sa kampeonato ng 2018 PBA Governors Cup kontra Alaska ang tatangkain ngayong gabi ng Magnolia sa Game Two ng kanilang finals series na idaraos sa Araneta Coliseum sa Quezon City.
Para kay Hotshots coach Chito Victolero, wala pa silang napapatunayan at naaabot dahil kasisimula pa lamang ng kanilang at mahaba pa ang laban na kanilang kakaharapin upang makamit ang asam na titulo.
“We’re happy to win Game One, but it’s only the start,” pahayag Victolero pagkaraan ng naitalang 110-84 na panalo noong Miyerkules ng gabi. “We need to prepare hard again tomorrow. Again, our mindset is do-or-die; try to figure out kung anong nagawa naming ‘di maganda."
Gaya ng napag-usapan bago magsimula ang serye, may malaking papel na gagampanan ang bumubuo ng backcourt ng magkabilang panig.
Pinatunayan ito ng mga guards ng Hotshots noong Game One sa pangunguna ni Mark Barroca at Paul Lee na syang nakatuwang import nilang si Romeo Travis upang pamunuan ang koponan sa kanilang panalo.Kaya naman umaasa si Victolero na muling magdi-deliver ang kanilang mga guards ngayong Game Two.
"I really expect my guards to match up well against the guards of Alaska," ayon pa kay Victolero.
Sa panig naman ng Aces, nangako naman silang babawi at itatabla ang serye.
"Siyempre babawi. All out kami next game. Hindi kami papayag na mag 2-0 kasi mahihirapan kami nun," pahayag ni Aces veteran forward Vic Manuel.
"Kung ano man yung naging problema namin, sisikapin naming magawan ng adjustment para sa next game," dagdag nito.
Ganap na 7:00 ngayong gabi ang ikalawang sunod na tapatan ng Hotshots at Aces para sa kampeonato ng season ending conference.
-Marivic Awitan