ALAM kaya ng talent management ng kilalang aktres na nagsayang siya ng isang araw na shooting para sa pelikulang ginagawa niya ngayon, na produced ng sikat na movie outfit?
Ayon sa tsika ng aming source, late na nga sa call time ang kilalang aktres ay bigla na lang siyang umayaw sa shooting after three hours.
“Call time ni (kilalang aktres) 6:00 am. Lola mo dumating 8:00 am, tapos nag-roll ng 11:00 am, tapos pinak-ap na niya ang sarili,” sabi ng source.
Laking gulat ng mga taga-production at ng direktor ng pelikula nang bigla na lang umalis ang aktres at pack-up na raw siya.
Lukang-luka rin ang line producer ng pelikula, dahil ang laki ng nasayang sa araw nila. Gabi pa lang ay naka-set up na ang location ng shooting, tapos ilang oras lang nag-shoot ang kilalang aktres at umalis na.
Tinanong namin ang aming source kung ano ang dahilan ni kilalang aktres para i-pack up ang sarili: “Biglang umayaw, eh. Hindi pa raw siya ready (mag-shoot).”
Pati tuloy kami ay napa-“Ano yun?!”.
Hindi ba naisip ng kilalang aktres na ang mga taga-production ay arawan ang suweldo? Kapag walang shooting, wala silang suweldong matatanggap at maiuuwi sa kani-kanilang pamilya. Hindi malaki ang kinikita ng mga taga-production, na halos 1000x sa talent fee ng aktres.
Kung tama ang dinig namin ay tatlong oras lang yata nag-shoot ang kilalang aktres bago niya ipak-ap ang sarili niya.
“Ano ba tingin niya sa sarili niya, super sikat pa rin siya? Isang project palang ang masasabing blockbuster nila ng ka-love team niya, the rest puro pucho-pucho na ang kinita sa box-office,” say ng taga-production.
-Reggee Bonoan