Nang makamit ng Balita ang pinakauna nitong Gawad Tanglaw award bilang Best Newspaper in Filipino noong 2008, magkahalong tuwa at pag-aalinlangan ang aking nadama. Tuwa dahil napakalaking karangalan ang mapanalunan ang award na ito. Alinlangan dahil baka tsamba lang ang pagkakapanalo ng BALITA, at hindi na mauulit pa.
Nang makuha ng BALITA ang pangalawang Gawad Tanglaw nang sumunod na taon, nadagdagan ang aking tuwa at nabawasan ang alinlangan. Naisip ko: Marahil napupuna na ang araw-araw na pagsisikap ng mga taga-Balita na maglathala ng isang diyaryong makatotohanan, etikal at makabuluhan.
Nang mapanalunan ng BALITA ang pangatlo nitong Gawad Tanglaw, tuluyan nang nalusaw ang aking alinlangan. At ito ang nais kong iparating sa aking maigsing talumpati nang tumuntong sa entablado ang tropa ng Balita upang tanggapin ang tropeo noong awards night.
Pinasalamatan ko ang inampalan sa pagpaparangal nito sa BALITA sa pangatlong sunod na taon. Pahiwatig iyon na tama ang landas na tinatahak ng pahayagan. Sa pagtatapos, itinaas ko ang tropeo, sabay sabi: “We deserve this!”
Hindi iyon isang pagmamayabang. Nais ko lang ipagmalaki at ipagbunyi ang dedikasyon at sarikpisyo ng tinagurian naming Team Balita.
At bilang patunay na tama ang landas na tinatahak ng BALITA, nakamit pa nito ang pang-apat at panglimang Gawad Tanglaw sa sumunod na dalawang taon. Hanggang sa tuluyang iginawad dito ang pinakamimithing papuri: Ang mahalal sa Hall of Fame ng Gawad Tanglaw.
-FORT YERRO (Editor, 2008-2010)