BATID ng aking mga mambabasa, batay sa mga nakaraang naisulat dito, na matagal ko nang isinusulong ang pagbabalik ng tinaguriang ‘Mandatory ROTC’ sa ating mga paaralan. Sa kasalukuyan, may ilang panukalang batas na ang nakahain sa Mababang Kapulungan hinggil dito.
Nandiyan ang HB 5113 na ang taga-patnugot ay ang Batangueñong Deputy Speaker, si Raneo Abu. Layunin ng nasabing House Bill ang ibalik ang Reserve Officers’ Training Course (ROTC) para sa Grade 11 at 12 ng mga pampubliko at pribadong paaralan. Noong Hulyo 2016, isinulong ni Congressman Ruffy Biazon ang HB 1260 na nais isama ang ROTC sa mga baccalaureate degree, na kabalikat ng dalawang taong technical o vocational na kurso.
Nagsalita na rin si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa nasabing isyu. Aniya, dapat itong isabatas kaagad, dahil kapag pumalpak ang Kongreso, ‘Executive Order’ na lang ang pipirmahan ng Palasyo upang mapabilis ang pagpapatupad ng ROTC. Ilan sa mga tukoy na layon sa nabanggit na HB ay ang pagsasabuhay ng mga asal sa pagdidisiplina at pagkamakabayan sa ating mga kabataan.
Muli kong babanggitin ang ilang mga rekomendasyon tungkol sa campus military training na noon ko pa isinusulong. Una sa lahat, dapat baguhin ang pangalan ng ROTC. Palitan ito sa Citizen’s Armed Force Training, dahil ang mga nagtatapos sa nasabing training, hindi mga “officers”, bagkus Reserve NCOs (Non-Commissioned Officers) na ang ranggo ay ‘Private’. Ang kursong ROTC ay para sa mga mag-a-advance training lang, dahil 2nd Lieutenant ang turing sa kanilang pagtatapos. Dapat ding pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan ang pag-aalis sa “weekend” na pagtuturo. Ang ipalit dito ay “One Summer Training”. Sa loob ng 30-45 araw na bakasyon, doon isalpak ang MS-11 hanggang MS-22. Kung seseryosohin, masasabi itong paghahanda sa mga ‘Mamamayang Kawal’. Upang maiwasan ang anumang katiwalian sa pagsasanay, kailangang magkaroon ito ng “Adviser” na mula sa mga hanay ng pari , Parents Teachers Association (PTA) o kaya naman ay Senior Reserve Officer. Para hindi makalimutan at masayang ang mga ‘serial number’ na igagawa sa mga nagtapos sa ROTC, kailangan itong isama ito sa Transcript of Records (TRO) ng mga mag-aaral na hawak ng school registrar.
-Erik Espina