SINOPRESA ng De La Salle-Zobel ang defending girls champion National University nang pigilin nito ang winning run ng huli sa pamamagitan ng 25-18, 25-12, 18-25, 25-20 panalo sa UAAP Season 81 high school volleyball tournament nitong Miyerkules sa Blue Eagle Gym sa Quezon City.

Namuno si Alleiah Malaluan para sa Junior Lady Spikers sa ipinoste niyang 20 puntos, na kinabibilangan ng 7 service aces, 8 receptions at 7 digs.

Nagdagdag naman si Justine Nazareno ng 10 puntos na kinapapalooban ng 7 aces para sa De La Salle-Zobel na umangat sa barahang 8-2, na sumiguro sa kanila ng playoff para sa twice-to-beat slot sa Final Four.

Namuno naman si Faith Nisperos para sa Junior Lady Bullpups sa ipinoste nyang 14 puntos.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

Kahit natalo, sigurado na ang NU sa twice-to-beat semifinals incentive.

Sa isa pang laban, umiskor si Kate Santiago ng 12 puntos upang giyahan ang Adamson University sa pagkopo ng third semifinals berth sa pamamagitan ng 28-26, 28-26, 25-13 panalo kontra University of the Philippines Integrated School.

Dahil sa panalo, umangat ang Lady Falcons sa markang 7-3, isang panalo ang pagkakaiwan sa Junior Lady Spikers na mahigpit nilang kaagaw sa No. 2 seed sa Final Four.

Lumapit naman ang University of Santo Tomas sa pag-usad sa susunod na round makaraang iposte ang 25-21, 25-14, 25-23 panalo kontra University of the East.

Dahil sa kanilang tagumpay, tumaas ang Junior Tigresses sa 6-4, dalawang laro ang agwat sa panglimang Far Eastern University-Diliman.

-Marivic Awitan