Dahil sa lover’s quarrel, nagawang patayin ng isang sundalo ang kinakasama niyang elementary school teacher, sa harap ng sindak na sindak nitong mga estudyante sa Bocaue, Bulacan, kahapon ng umaga.

Ayon kay Bulacan Police Provincial Office director, Senior Supt. Chito Bersaluna, pinasabog ni Ruperto Datwin, 40, tauhan ng Philippine Army, at residente ng Armed Forces of the Philippines-Philippine National Police (AFP-PNP) Housing, Barangay Batia, Bocaue, ang sariling bungo matapos niyang barilin at mapatay si Melody Santa Teresa Esber, 33, habang nagkaklase sa Tambubong Elementary School sa Bgy. Tambubong, Bocaue.

Isinugod naman sa ospital ang siyam na taong gulang na lalaking estudyante ni Esber matapos na tamaan ng ligaw na bala sa kaliwang balikat. Maayos na ngayon ang lagay ng paslit sa ospital.

Sinabi ni Bersaluna na nasa gitna ng pagkakalase si Esber nang biglang pumasok sa classroom ang sudalo, dakong 9:00 ng umaga.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Itong sundalo pinuntahan ang live-in partner doon sa klase niya. Noong nagka-confrontation na sila sa loob ng classroom ay bigla na lang pong binaril ‘yung teacher, at pagkatapos ay nagbaril din ang sundalo sa sarili,” salaysay ni Bersaluna.

Dahil sa matinding takot, nagtakbuhan palabas ng classroom ang mga estudyante ni Esber.

“Doon po sa crime scene, may table na nandoon ‘yung parang declaration nilang dalawa na parang apparently may problema sila financially. May nakalagay din na papel na handwritten na kamatayan lang ang maghihiwalay sa kanila. Apparently, pirmado nilang dalawa ito,” sabi ni Bersaluna.

Nabatid na si Esber ay hiwalay sa asawa, at mayroong tatlong anak.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya sa kaso.

Kaagad namang sinuspinde ang pasok sa nasabing paaralan dahil sa insidente.

-MARTIN A. SADONGDONG