PALIBHASA’Y nakagawian na ng ating mga magbubukid ang pagbibilad sa mga sementadong kalsada ng kanilang inaning palay, natitiyak ko na labis nilang ipinanggalaiti ang pagbabawal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa naturang aktibidad. Ang babala ng nasabing ahensiya ng gobyerno ay nakaangkla sa umiiral na batas hinggil sa pagpapataw ng isang libong pisong multa sa mga magbibilad ng palay, mais at iba pa sa mga lansangan.
Naniniwala ako na marapat lamang igalang ng sinuman, hindi lamang ng mga magsasaka, ang mga alituntunin tungkol sa masinop at ligtas na paggamit ng mga kalsada na totoong nakalaan lamang sa mga transportasyon. Maaaring mapanganib ang pagbibilad ng palay sa nasabing mga lugar; nahahaluan pa ng buhangin at maliliit na bato ang palay na nagiging dahilan ng pagkadurog ng bigas.
Nakapagpapasiklab ng damdamin ang katanungan: Saan magbibilad ang mga magbubukid ng inani nilang palay? Hindi ba ang nasabing pagbabawal ay hindi lamang pagkawawa sa mga magsasaka kundi ito ay mistulang paglumpo sa adhikain ng Duterte administration tungo sa pagkakaroon ng sapat na ani o rice self-sufficiency? Ang mga magbubukid ang tinaguriang gulugod ng bansa o backbone of the nation na kailangan natin sa pagsusulong ng agrikultura.
Ang kailangang atupagin ng DPWH – at ng iba pang tanggapan ng pamahalaan – ay pagpapatayo ng mga post-harvest facilities, tulad nga ng palay dryers at iba pang imprastruktura na makatutulong sa mga magsasaka. Hindi naman marahil masyadong malaki ang pondong kakailanganin para sa naturang mga proyekto, lalo na kung ihahambing sa bilyun-bilyong pisong programa ng gobyerno. Maliban na lamang kung iyon ay mababahiran ng pandarambong ng ilang tauhan ng gobyerno.
Isang malaking kabalintunaan kung ipagwawalang-bahala ng administrasyon ang pagpapatayo ng mga post-harvest facilitie,s samantalang puspusan naman ang pagsusulong nito ng tinatawag na ‘build, build, build’ program; samantalang hindi matugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga magbubukid.
Totoo na nasa wastong direksiyon ang ipinangangalandakang mga proyekto ng administrasyon. Kailangang maipatupad ang mga ito nang hindi naman hahantong sa pagkawawa sa ating mga magbubukid.
-Celo Lagmay