GINAPI ng reigning four-time girls champion National University ang UP Integrated School, 25-5, 25-20, 25-10, para mapanatiling malinis ang karta sa UAAP Season 81 high school volleyball tournament nitong Linggo sa FEU-Diliman Gym.

Kumubra si Jessa Ordiales ng walong puntos, habang kumana si Alyssa Solomon ng tatlong service aces at pitong hits at tumipa si Minerva Maaya ng pitong puntos para sa ikasiyam na sunod na panalo ng Lady Bullpups.

Bunsod ng panalo, lumapit ang NU sa tatlong panalo para makamit ang awtomatikong Final berth.

Namayani ang De La Salle-Zobel, sa pangunguna nina Angel Canino na may 23 puntos, 14 receptions at pitong digs, kontra University of the East, 25-20, 30-28, 25-19, para makasiguro ng semifinals entry tangan ang 7-2 karta.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

Napatatag din ng Adamson University ang kampanya nang pataubin ang Far Eastern University-Diliman, 25-27, 25-22, 12-25, 25-22, 15-13, para sa 6-3 marka at No.3 sa team standings.

Sa boys division, nadomina ng NU ang De La Salle-Zobel, 25-11, 25-18, 25-17, para sa impresibong 11-0 marka. Tulad ng kanilang kasangga, nakalapit sila sa awtomatikong Finals berth.

Magaan namang naitumba ng FEU-Diliman ang Ateneo, 25-18, 25-9, 25-13, para sa solong kapit sa No.2 tangan ang 9-3 karta.

Sa iba pang resulta, nanaig ang UST sa UPIS, 25-12, 25-15, 25-19, habang nagwagi ang Adamson University sa UE, 25-23, 23-25, 25-22, 23-25, 18-16.