TINALO ng defending four-time girls champion National University ang Adamson University, 25-19, 25-18, 31-29, para hatakin ang kanilang undefeated run sa pitong laro sa UAAP Season 81 high school volleyball tournament sa Far Eastern University-Diliman Gym.
Nagtala si Faith Nisperos ng 14 na puntos lahat galing sa attacks habang nagdagdag si reigning MVP Mhicaela Belen ng 13 hits, bukod pa sa 7 digs at 4 na receptions upang pamunuan ang Junior Lady Bullpups.
Namuno naman si Kate Santiago na tumapos na may 9 na puntos para sa Baby Falcons.
Sa iba pang laro, nakakuha naman ang University of Santo Tomas ng pinagsamang 18 puntos mula kina Renee Lou Penafiel at Imee Hernandez upang pangunahan ang 25-22, 25-11, 25-10 panalo kontra UP Integrated School.
Dahil sa panalo, pumatas sila sa Adamson University sa ikatlong puwesto sa markang 5-3.
Tinalo naman ng De La Salle-Zobel ang UPIS, 25-15, 25-16, 25-19, noong simula ng second round nitong Sabado sa Blue Eagle Gym para umangat sa ikalawang puwesto hawak ang barahang 5-2.
Nagposte naman si Alexis Miner ng 13-puntos para pamunuan ang FEU-Diliman sa paggapi sa UE, 25-19, 25-15, 25-17, na nag-angat sa kanila sa patas na markang 4-4.
Samantala, sa boys division, pinataob ng NU ang titleholder UST, 25-18, 25-20, 32-30 at Adamson University, 12-25, 25-22, 19-25, 25-22, 15-13 para manatiling walang talo sa siyam na laro.
Makaraang mabigo, 26-28, 24-26, 25-27 sa University of the East, bumawi ang FEU-Diliman sa pamamagitan ng 23-25, 25-16, 25-27, 25-14, 15-9 pag-ungos sa La Salle-Zobel upang tumaas sa ikalawang puwesto hawak ang 7-2 kartada.
Tinalo din ng UE ang UPIS,25-9, 25-22, 25-17 para umangat sa solong ikatlong puwesto hawak ang 6-3, panalo-talong marka kasunod ang Tiger Cubs at Baby Falcons na tabla sa 5-4 na baraha.
-Marivic Awitan