SA paggunita ng ika-limang anibersaryo ng pananalasa ni ‘Yolanda’ -- ang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng ating bansa -- minsan pang nalantad ang sinasabing mga pagkukulang at kapabayaan ng nakaraang administrasyon kaugnay ng ganap na rehabilitasyon ng mga nasalanta. Isang kapatid sa propesyon ang nagpahiwatig na hindi pa lubos na nakaaahon sa hagupit ng bagyo ang ating mga kababayan na ang karamihan ay wala pang mga bahay na malilipatan; walang mga kabuhayan o livelihood na panggagalingan ng kanilang ikabubuhay.
Totoo na ang nakalipas na administrasyon ay kaagad tumugon sa pangangailangan ng mga biktima ng naturang kalamidad. Kagyat na bumuo ng mga programa upang maibsan ang pagdurusa ng libu-libong sinalanta ni Yolanda. Katunayan, kabilang sa mga proyekto ang paghirang kay Senador Panfilo Lacson bilang housing czar; iniatang sa kanyang balikat ang tinatawag na gargantuan job na naglalayong makapagtayo ng libu-libong housing units para sa libu-libo ring surge victims.
Nakalulungkot na hindi nakarating sa malayo, wika nga, ang nasabing mga pagsisikap. Dahilan kaya ito sa mistulang pag-aatubili ng nakaraang administrasyon na maglaan ng sapat na pondo para sa mga housing units at iba pang pangangailangan? O, ito ay pinanghimasukan ng mismong mga kaalyado ng dating pangasiwaan na may kanya-kanyang makasariling interes? May kinalaman kaya ito sa pag-iiringan ng makapangyarihang mga political clan, dahilan upang maipit ang mismong mga biktima ng kalamidad?
Hanggang ngayon, lumulutang pa rin ang mga haka-haka na tila nagmilagro ang bilyun-bilyong pisong nakalaan sa rehabilitasyon ng mga nawasak na komunidad. Hindi ba bilyun-bilyong piso o dolyar ang sinasabing donasyon mula sa iba’t ibang bansa at mga dayuhang ahensiya para sa winasak ni ‘Yolanda’?
Maaaring may pagkukulang din ang kasalukuyang administrasyon sa rehabilitasyon ng naturang mga nasalanta. Totoo na nang minsang bumisita si Pangulong Duterte sa sentro ng kalamidad, tila iniutos niya ang mabilis na pagtatayo ng mga housing units sa nasabing lugar. Hindi ko matiyak kung may narating na ang kanyang utos.
Mabuti na lamang at kamakalawa, tiniyak ng Malacañang na pagtutuunan nito ang mga programa tungo sa ganap na rehabilitasyon ng mga biktima ng bagyo. Tila bilyun-bilyong piso na ang pinalabas para sa nasabing mga housing units.
Sa kabila nito, naniniwala ako na hindi pa ganap na nakaaahon sa normal na pamumuhay ang mga biktima ni ‘Yolanda’, lalo na nga ang pamilya ng halos 10,000 katao namatay, na ang karamihan ay nalibing nang buhay. Ito ang marapat pagtuunan ng pansin ng Duterte administration.
-Celo Lagmay