HINDI nakaligtaan ni John Estrada na magbigay-pugay sa yumaong veteran singer at dating “Tawag ng Tanghalan” hurado sa It’s Showtime hurado na si Rico J. Puno sa ikaanim na gabi ng burol ng namayapang OPM legend nitong Lunes, sa Santuario de San Antonio Parish, sa Forbes Park, Makati.
Naging co-host ni Rico J. si John sa defunct noontime show ng ABS-CBN na Happy, Yipee, Yehey!.
Kasama nila sa show sina Randy Santiago, Pokwang, at Toni Gonzaga sa sa nasabing Kapamilya noontime show.
Umere lamang ng isang taon ang nasabing noontime show, mula February 12, 2011 hanggang February 4, 2012.
Maraming hindi makakalimutan si John tungkol sa kaibigang si Rico J.
“He’s so witty, napakagaling ng timing,” kuwento ni John sa PEP. “Aside from being a great singer, he’s a great comedian also. ‘Yung mga double-meaning jokes, basta he’s just fun to be with.”
Hindi lang daw siya ang makaka-miss sa tinaguriang Total Entertainer kundi pati na ang buong Pilipinas, na nagmahal at humanga kay Rico J.
“Siguro ‘yung buong persona niya as Rico J. Puno. I think hindi lang ako (ang makaka-miss, kundi), buong Pilipinas, fans niya.
“’Yung buong persona, ‘yung mami-miss ko talaga ay ‘yung hindi ko na siya mapapanood sa TV. I mean, ‘yung personal naming pagkakaibigan, ‘yung mapanood mo ‘yung isang Rico J. sa TV, ‘yun ang mami-miss ko.”
Sa huli, sinabi ni John na nag-iisa lang si Rico sa local entertainment industry.
“Ako talaga, ang dami nating singers sa Pilipinas, pero walang kasing boses si Yangku (Kuyang) Rico J. Boses para sa akin, yes talaga.”
Idaraos ngayong Miyerkules, November 7, ang necrological service para kay Rico J.
Magkakaroon muna ng public viewing sa Makati City Hall sa Huwebes, November 8, mula 6:00 ng gabi hanggang 10:00 ng umaga, bago ihatid ang singer sa kanyang huling hantungan sa Heritage Memorial Park, Taguig City.
-ADOR V. SALUTA