PARANG gusto naming abutan ng mikropono si JM de Guzman habang kausap namin siya kasama ang ilang katoto pagkatapos ng mediacon ng pelikulang Kung Paano Siya Nawala, dahil ang hina-hina ng boses niya, na parang siya lang yata ang nakaririnig.
Humihina kasi ang sagot niya nung tanungin namin kung ano ang real score nila ni Barbie Imperial, na katambal niya sa natapos ng seryeng Araw Gabi.
“Magkaibigan po kami,”mahina niyang sagot na kailangan pa naming ipaulit.
Anong klaseng magkaibigan? Kasi nakukuhanan sila ng litratong sweet at “manugang” pa ang tawag kay JM ng mommy ni Barbie.
Napangiti ang aktor. “Ganu’n po talaga si mommy, sweet po. Opo, lumalabas talaga kami ni Barbie.”Saan papunta ang paglabas-labas nila ni Barbie? Nanliligaw ba siya sa dalaga?“Ano po..,basta!”paiwas na sagot ng napangiting si JM. “Magkaibigan po kami, hindi pa po kami.”At dahil maraming gustong magpa-picture sa kanya ay napuputul-putol ang panayam naming sa aktor. Pero nagpahabol siya sa amin: “’Pag kami (Barbie) na, ikaw unang makakaalam.”Naku, JM pangako mo ‘yan, ha!
Anyway, sa naunang interbyu sa aktor ay nalaman naming matagal na pala silang nagkakilala ni Rhian Ramos, na leading lady niya sa Kung Paano Siya Nawala, pero hindi siya kaagad natandaan ng aktres dahil malayo ang hitsura ng aktor noon.
“Ano kasi siya, nagra-rap siya noong napanood ko sa Hard Rock Café. Tapos wala siyang buhok (kalbo) at medyo chubby siya. Kaya nga tinanong ko kung nagra-rap siya, hindi niya inamin nu’ng una,” kuwento ni Rhian.
“Nahiya kasi ako. Oo, nagra-rap ako noon. Ako nga ‘yun!”
Hindi na raw naituloy ng aktor ang pagra-rap dahil nabago na ang hilig niya sa musika, at pawang acoustic naman ang ini-record niyang kanta noon under Star Music.
Puro ngiti rin ang sagot ng aktor nu’ng tanungin namin kung hindi ba siya nagkagusto kay Rhian?Kapag ibang artista na puro ngiti ang isinasagot sa reporters ay naiirita ang karamihan, pero pagdating kay JM ay hindi, dahil love na love siya ng lahat. Marunong kasing maglambing ang aktor at dadaanin ka sa mga papungay-pungay nitong mata na akala mo nasa harap pa rin siya ng camera. Ha, ha, ha!
-Reggee Bonoan