Hinikayat kahapon ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang mga magtutungo sa mga sementeryo na kuhanan ng litrato at i-post sa social media ang mga campaign poster ng mga “epalitiko”, o mga pulitikong magpapaskil ng kanilang mga larawan sa mga sementeryo ngayong Undas.
“Going to the cemetery? Might I suggest taking and posting pictures of political epal-ness? LOL,” tweet ni Comelec Spokesperson James Jimenez, na may hashtags na “#UndasUngas, #VoterEd, at #NLE2019.
Mismong si Jimenez ang nanguna sa pagpo-post ng mga campaign poster na nakita niya nang mapadaan ang opisyal sa Manila North Cemetery kahapon.
Sa mga larawang ipinaskil ni Jimenez sa kanyang Twitter account, kabilang ang sa re-electionist na si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada at ng ka-tandem nitong si dating Cong. Amado Bagatsing, gayundin ang kay Buhay Party-list Rep. Lito Atienza.
Caption ni Jimenez: “Dumaan ako sa North Cemetery. May mga ‘nakikiisa’. #VoterEd #NLE2019.”
Una nang umapela si Jimenez sa mga kandidato na huwag samantalahin ang Undas, sa pamamagitan ng pagpapaskil ng kani-kanilang campaign poster at pagbati ng “Happy Undas” sa mga sementeryo.
Sa susunod na taon pa nakatakda ang campaign period para sa halalan sa Mayo 13, 2019.
-MARY ANN SANTIAGO