ANG mistulang pagbawi ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ng security escorts sa Judiciary ay natitiyak kong naghatid ng nakakikilabot na hudyat sa mga huwes, prosecutor, at sa iba pang opisyal ng husgado. Nangangahulugan na babawiin o aalisin na ang mga police escorts na nakatalaga sa naturang mga opisyal.
Sa halip, nais ni PNP Director General Oscar Albayalde na ang naturang sangay ng gobyerno ay kailangang magkaroon ng sariling security force na mangangalaga sa seguridad ng mga tauhan nito. Ang mga police escorts na bahagi ng 10,000 pulis na naka-detail sa iba’t ibang opisyal ng pamahalaan ay aalisin sa Judiciary. Hindi ba ang gayong aksiyon ay naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng nasabing mga lingkod ng bayan? Lalo na nga kung iisipin na kamakailan lamang, isang huwes ang inutas ng mga kampon ng kadiliman; bukod pa rito ang ilang prosecutor na basta na lamang ninanakawan at pinapatay sa lansangan.
Naniniwala ako na may lohika ang pahayag na utos ni Albayalde. Ang babawiing mga pulis ay magpapalakas sa manpower o puwersa ng PNP para sa operasyon, imbestigasyon at iba pang makabuluhang misyon ng naturang mga alagad ng batas. Totoo na mahigit 160,000 ang PNP police force. Subalit kapos pa rin ang nasabing bilang, lalo na kung isasaalang-alang ang international standard hinggil sa pagtatalaga ng isang pulis para sa bawat 500 mamamayan. Kulang ang ating puwersa upang pagkalooban ng seguridad ang mahigit 100 milyong mamamayang Pilipino. Makatuturan ang misyon ng mga pulis hindi lamang sa pagtugis sa mga naghahasik ng mga karahasan kundi lalo na sa paglipol ng mga users, pushers at mga druglords na hanggang ngayon ay naglipana sa halos 90 porsyento ng mga barangay sa buong kapuluan.
Gusto kong maniwala na ang pahayag ni Albayalde ay nakaangkla sa mga sapantaha na ang mga police escort ay nagagamit sa pagsasamantala, pagyayabang at paghahari-harian sa mga lansangan. Sa kabilang dako, ang mga nabanggit na mga opsiyal – lalo ang tinatawag na mga Very Important Persons (VIP) – ay mistulang nakalutang sa kapangyarihan. Sila na ba ang malimit taguriang mga anak ng Diyos?
Hindi naman ganap na hinuhubaran ng security force ang Judiciary at ang iba pang sangay ng gobyerno. Maaari naman silang bumuo ng security group mula sa mga accredited private security agencies – at maging sa kani-kanilang mga kawani, para sa kanilang kaligtasan.
Sa anu’t anuman, marapat lamang na pag-ibayuhin hindi lamang ng mga nabanggit opisyal, kundi ng sambayanan ang ating kaligtasan laban sa mga tampalasan. Higit sa lahat, ipaubaya na lamang natin sa Diyos ang lahat. Bahala na si Lord, wika nga.
-Celo Lagmay