Inabisuhan kahapon ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ang publiko kaugnay ng posibleng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa ilang pangunahing kalsada sa Maynila ngayong Lunes, Oktubre 22, at bukas, Oktubre 23, dahil sa prusisyon para sa rebulto ng Chinese sea goddess na si Mazu.
Sa traffic advisory, pinayuhan ng MDTEU ang mga motorista na iwasan muna ang rutang daraanan ng prusisyon at humanap ng alternatibong ruta, upang hindi maipit sa trapiko.
Dakong 9:00 ng umaga ngayong Lunes ay dadaan ang imahen ng Mazu mula sa Katigbak Drive sa harap ng Manila Police District (MPD)-Ermita Police Station 5, didiretso sa Jones Bridge-Quintin Paredes Street, papuntang Plaza Ruiz.
Bukas naman, dakong 7:30 ng umaga, ay magsisimula ang prusisyon sa Plaza Ruiz, diretso sa Juan Luna Street, kaliwa sa Plaza Cervantes, kanan sa Jones Bridge, diretso sa P. Burgos Avenue hanggang Katigbak Drive, at kaliwa sa Quirino Grandstand, sa Ermita.
Nilinaw ng MDTEU na ipatutupad nito ang “Stop and Go situation” sa kasagsagan ng prusisyon.
-Mary Ann Santiago