Pinaniniwalaang hindi na kinaya pa ng isang vendor ang pagod sa paghahanapbuhay kaya nagpasya na itong magpatiwakal nang matagpuang nakabigti sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Matigas na bangkay na nang madiskubre ng kanyang amo na si Arnold Alday, 29, bakery owner, ng Barangay Longos, si Imelda Sta. Lucia, 50, kalugar ni Alday.

Natagpuang nakabigti sa banyo ng bakery si Sta. Lucia, dakong 3:00 ng umaga.

Kuwento ni Alday, buong akala niya ay naliligo lang si Sta. Lucia sa banyo kaya kinatok niya ito, pero hindi sumasagot.

Akbayan, kinatigan kilos-protesta kontra mina sa Dupax Del Norte

“Sinira ko na ‘yung pinto ng banyo at ‘yun na nga, nakita ko siya na nakabigti na,” ani Alday.

Nauna rito, nakakuwentuhan pa umano ni Sta. Lucia ang tindera sa bakery at binanggit na gusto na niyang magpakamatay dahil nahihirapan na umano sa pagtatrabaho.

“Akala ko nagbibiro lang kaya hindi ko pinansin, ‘yun pala tototohanin,” sabi pa ni Alday.

Sa pagsusuri ni Chief Insp. Bonifacio Andaya, ng Scene of the Crime Operations (SOCO), walang nakitang external injury kay Sta Lucia.

-Orly L. Barcala