PATULOY ang TNT Boys, isang Filipino vocal group, sa pagbibigay ng pride sa bansa, makaraang magtanghal para sa Pangulo ng Singapore, si Halimah Yacob, ang ikatlong pinuno ng bansa na kanilang inawitan, kasunod ni Pangulong Rodrigo Duterte at ni Papua New Guinea Prime Minister Peter O’ Neill.
Naganap ang latest gig ng trio nitong Linggo sa President’s Star Charity, na inorganisa ng Singaporean media conglomerate Mediacorp sa ilalim ng President’s Challenge, ang taunang kampanya na layuning makalikom ng pondo para sa mga taong kapus-palad at sa ilang charity na pinili ng pangulo ng Singapore.
Napanood nang live ang event sa Singaporean TV, at nakalikom ito ng record-breaking na S$8.3 million, ang pinakamalaking pondo na nalikom ng taunang event.
Sa charity ball, kinanta ng TNT Boys ang The Greatest Love of All kasama ang mga estudyante ng Lorna Whiston Schools, at inawit din nila ang iconic hit na Listen. Kabilang sila sa mga star-studded line-up ng world-class artists na nagtanghal, kabilang sina Hong Kong star Eason Chan, Malaysian Dayang Nurfaizah, Taiwanse ukulele prodigy Feng E, Singaporean actress Zoe Tay, at French juggler Mickael Bellemene.
Laganap na rin online ang mga larawan at video ng TNT Boys kasama si Pres. Yacob, dahil nagpunta ang pangulo sa backstage para personal na makilala ang trio. Sa isang social media post, pinasalamatan din ng tatlo si Mediacorp CEO Tham Loke Kheng para sa once-in-a-lifetime opportunity na makapag-perform sa isang makasaysayang event.
Naganap ang pagtatanghal ng mga ito sa President’s Star Charity bago pa man sila lumipad patungong Amerika ngayong linggo para sa isang international talent competition.
Abala ang TNT Boys sa paghahanda para sa kanilang highly anticipated first-ever major concert sa Araneta Coliseum, na may titulong Listen: The Big Shot Concert sa Nobyembre 30.
Manila Bulletin Entertainment