Kiteboarder, sinagip ang Team Philippines sa Youth Olympics

BUENOS AIRES – Iniligtas ni Filipino-Norwegian Christian Tio ang Team Philippines sa posibleng pagkabokya sa medalya nang masungkit ang silver medal sa kiteboarding competition ng 2018 Youth Olympic Games dito.

kiteboarding

Matikas na nakihamok ang 17-anyos sa final race ng men’s kiteboarding nitong Linggo (Lunes sa Manila) upang makaalpas mula sa pang-apat na puwesto sa sa opening day ng karera sa Club Nautico San Isidro.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Katabla ni Tio sa ikalawang puwesto si Toni Vodisek ng Slovenia, ngunit naibigay sa kanya ang silver medal bunsod nang mas mahirap na ginawang routine at istilo. Nakamit ni Deury Corniel ng Dominican Republic ang gintong medalya matapos pagwagihan ang tatlo sa anim na karera sa final day.

Itinigil ang laban na nakatakda sanang matapos nitong Biyernes bunsod nang patuloy na pagbayo nang malakas na hangin.

“My mindset was just to go for it and enjoy,” pahayag ni Tio. “Thank you for everyone who supported me, giving all the love.”

Mahigit dalawang buwan, kabilang ang apat na linggo ang ginawang pagsasanay ni Tio sa Dominican Republic bukod sa apat na linggong pamamalagi sa Buenos Aires upang masanay ang katawang sa kondisyon ng panahon.

“I didn’t suffer from jetlag. I was fully rested after arriving here early,” pahayag ni Tio, nagpahayag ng kasiyahan sa medalyang iaaalay umano niya sa mga kaanak at mga kababayan.

Nabigo naman sina Archer Nicole Marie Tagle at katambal na si Hendrik Oun ng Estonia kontra sa karibal na sina Rebecca Jones ng New Zealand at Chihchun Tang ng Chinese Taipei, 5-1, sa quarterfinal match ng archery mixed competition sa Parque Sarmiento archery range.

“Medyo mahangin po kanina at naapektuhan nito ang performance ko,” sambit ni Tagle, 2017 Southeast Asian Games silver medalist sa Kuala Lumpur.

May tsansa pa ang 17-anyos na pambato ng Dumaguete City na makapag-uwi ng medalya sa pagsabak kontra Great Brittain’s Alyssia Tromans-Ansell sa round of 16 women’s individual recurve sa Martes (Miyerkoles sa Manila).

Tuluyang namang lumayo ang kampanya nina Yuka Saso at Carl Janno Corpus sa golf mixed competition sa naiskor na five-over 75 para sa ika-18 puwesto matapos ang ikalawang round.